Sen. Villar sa DENR: Proteksyunan ang mga protective areas

Ni NOEL ABUEL

Pinagsusumite ni Senador Cynthia Villar sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang talaan ng mga idineklara ng batas na mga protective areas na inookupahan ng mga informal settlers sa buong bansa.

Sa budget hearing sa 2024 budget ng DENR at ng attached agencies, sinabi ni Villar na kailangang isumite ng DENR ang listahan ng 114 na protective areas na tinukoy ng ahensya.

Ayon kay Villar, sponsor ng budget ng DENR, na mahalagang mapangalagaan ang 114 protective areas upang hindi na matulad sa Bgy. Socorro kung saan inokupahan ng Socorro Bayanihan Services Inc. (SBSI) ang mahigit sa 300 ektaryang protective areas.

Giit ng senador, hindi kailangan na puntahan ng DENR ang mga nasabing protective areas kundi kahit larawan lamang at tukuyin kung sino ang nag-apruba na gawin itong community area.

Nabatid na sa datos ng DENR, nasa 37 ang bilang ng Special Use Agreement in Protected Ares (SAPA) at 119 na Protected Area Community-Based Resource Management Agreement (PACBRMA).

Ipinagtataka ni Villar kung bakit pinapayagan ng DENR na tayuan ng bahay at gusali ang mga protective areas gayung nakasaad sa batas na ipinagbabawal ito.

Ganito aniya ang nangyari sa Sitio Kapihan, Bgy. Soccorro kung saan sa kabila ng pagiging protective area nito ay ginawang komunidad ng SBSI at nagtayo ng mga kabahayan at may nangyaring illegal na gawain.

Paliwanag ni Nonito Tamayo, regional executive director, Region 13 –Caraga na nakasasakop sa Surigao del Norte, sinabi nitong pinayagan nitong okupahan ng mga miyembro ng SBSI ang protective areas dahil sa humanitarian reasons.

Tinukoy nito noong panahon ng COVID-19 pandemic, ang paglindol at pananalasa ng bagyong Odette kung kaya’t pumayag ito na manatili ang mga miyembro ng SBSI na okupahan ito.

Ngunit nanindigan si Villar na hindi dapat ito mangyari dahil sa may batas na nagpoprotekta sa mga protective areas kung kaya’t may pananagutan ng DENR dahil sa kapabayaan.

Leave a comment