
Ni NERIO AGUAS
Naharang ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang dayuhan na umano’y may kapansanan sa pagsasalita at pandinig makaraang makumpiska na gumamit ito ng pekeng Philippine passport.
Ayon sa BI, pinigilan sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) terminal 3 ang dayuhan si Sengaloun Phimpa, nasa hustong gulang, Thailand national na dumating sa bansa sakay ng Air Asia flight mula Bangkok.
Sinasabing nang dumaan sa immigration counter si Phimpa at ipakita ang pasaporte nito sa mga tauhan ng immigration personnel ay nagduda na pekeng ito.
Nang isailalim ni immigration officer Cristine Niepes sa imbestigasyon ang dayuhan ay nagpakita ito ng paiba-ibang pahayag sa papeles nito kung saan nang isailalim sa tertiary inspection at forensic documents laboratory ay natuklasan na peke ang pasaporte at counterfeit immigration stamp at Thai visa.
Nakuha rin sa pag-iingat ng dayuhan ang Philippine TIN ID, Philippine postal ID, at iba pang Thai documents.
“We have reason to suspect that this man is pretending to be deaf-mute to avoid having to speak Filipino,” sabi ni BI Commissioner Norman Tansingco.
Sinabi pa ni Tansingco na sasailalim sa karagdagang imbestigasyon si Phimpa, at kung mapapatunayang isa itong dayuhan, ililipat ito sa pasilidad ng BI sa loob ng Camp Bagong Diwa habang hinihintay ang resolusyon ng kanyang deportation case.
