
Ni NOEL ABUEL
Pinaiimbestigahan ni Senador Raffy Tulfo sa Senado ang napaulat na multi-million illegal recruitment scheme na binibiktima ang mga Pinoy na nagbabalak magtrabaho sa Italy.
Si Tulfo, chairperson ng Senate Committee on Migrant Workers, inihain nito ang Senate Resolution (SR) No. 816 kasunod ng mga ulat na daan-daang biktima ang natangayan ng pera ng consultancy firm na Alpha Assistenza SRL
Ang kumpanya ay pinamumunuan ng Filipino co-CEOs na sina Krizelle Respicio and Frederick Dutaro.
Sinabi ni Tulfo na ayon sa mga biktima ng OFW, nagbayad umanonang mga ito sa Alpha Assistenza ng hindi bababa sa 2500 euros (Php 120,000.00), habang ang ilan sa kanila ay umamin na nagbayad ng kabuuang 5780 euros (Php 347, 140.00) sa paniniwalang makakakuha sila ng trabaho sa Italy.
Matapos umanong maibigay ang bayad, ipinadala umano sa mga aspiring OFWs sa pamamagitan ng email o social media ang kanilang work permit ngunit nang isumite ng mga ito ang dokumento sa Italian Embassy sa Pilipinas ay tinanggihan ito.
Dahil dito, nagsampa ng pormal na reklamo ang 68 complainants sa Department of Justice sa Maynila habang inalerto ng embahada ng Pilipinas sa Italy ang Public Prosecutors Office sa Roma, ang SUI, ang Questura at ang Italian Ministry of Foreign Affairs and International Cooperation ng umano’y large-scale fraud.
Binigyan-diin din ni Tulfo na dapat ding imbestigahan ang ilang alegasyon ng mga biktima tungkol sa diumano’y “non-action” ng konsulado ng Pilipinas sa Milan.
“There is a need to review existing laws and policies on illegal recruitment and adopting other legislative measures to curb the proliferation of such vicious acts,” sabi ng senador.
