Wanted na Korean national arestado ng BI

Ni NERIO AGUAS

Inaresto ng mga operatiba ng Bureau of Immigration (BI) ang isang South Korean national na matagal nang pinaghahanap ng bureau dahil sa pagiging pugante sa kanyang bansa sa kasong telecommunications fraud.

Kinilala ang nadakip na dayuhan na si Kang Hee Woo, 35-anyos, na naaresto sa Malabacat City, Pampanga ng mga tauhan ng fugitive search unit (FSU).

Nabatid na si Kang ay nasa Interpol red notice na inilabas noong 2021.

Ayon sa Immigration Protection and Border Enforcement Section (I-Probes), si Kang ay may hiwalay na arrest warrants na inilabas ng Seoul central district court at Seoul Dongbu central district court dahil sa pagkakasangkot sa telecom fraud.

Inakusahan si Kang na pagiging mataas na miyembro ng Youngjae-Han telecom fraud syndicate na pinaniniwalaang tumangay sa mahigit na 1 bilyong won o katumbas ng US$740,000 sa mga naging biktima nito.

Ang modus operandi ng nasabing sindikato ay sa pamamagitan ng voice phishing operations sa mga naging biktima sa Korea.

Kasalukuyang nakakulong sa BI jail facility sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City ang dayuhan habang inihahanda ang resolusyon para sa pagpapatapon dito pabalik ng kanyang bansa.

Awtomatiko ring inilagay sa blacklist order si Kang at tuluyan na itong naka-ban para makabalik ng Pilipinas.

“It took almost five years of intensive manhunt and surveillance operations before we were able to arrest him. This serves a warning to other foreign fugitives hiding in the Philippines. The long arm of the law will eventually catch you wherever you may be,” ayon sa BI.

Leave a comment