3 Pakistani nationals na miyembro ng local terrorist group arestado ng BI sa Mindanao

Ni NERIO AGUAS

Bumagsak sa kamay ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang tatlong Pakistani nationals sa magkahiwalay na operasyon at pinaniniwalaang kaanib ng local terrorist group.

Kinilala ang unang nadakip na dayuhan na si Pakistani Faizan Muhammad alyas Faizan Khan, 34-anyos, sa Purok Durian sa Barangay Pinig Libano, Dumalinao, Zamboanga del Sur.

Sinasabing nilabag nito ang kondisyon ng pananatili nito sa bansa at bilang undocumented alien kung saan nang arestuhin ay nabigo itong magpakita ng pasaporte at nagpakita pa ng Philippine National ID sa kabila ng pagiging foreign national.

Sa reklamo, si Muhammad ay nagtataglay ng expired na travel document at overstaying na simula noong 2015.

Sa hiwalay na operasyon, nadakip din ang dalawa pang dayuhan na sina Ali Wahab, 36-anyos, sa Barangay Banago, sa Balabagan, Lanao del Sur at Ajmal Ali, 35-anyos.

Kapwa overstaying at undocumented alien ang dalawang dayuhan kung saan si Ali ay iniulat na supplier ng mga materyales ng local extremist group sa Central Mindanao.

Nang arestuhin si Ali ay nagpakita ito ng Philippine driver’s license na nagsasaad na ang nationality nito ay Filipino subalit walang nagpapatunay na totoo ito.

Sa record ng BI, si Muhammad ay inireklamo ng isang Pinay dahil sa hindi pagbabayad ng pagkakautang sa loob ng isang taon.

Iniulat din na nangha-harass ang nasabing mga dayuhan at nagbabanta na papatayin sa pagsasabing suportado ang mga ito ng terrorist groups.

Agad na inaresto ang tatlong dayuhan habang inihahanda ang kaso laban sa mga ito dahil sa paglabag sa Philippine Immigration Act of 1940.

Leave a comment