
Ni NOEL ABUEL
Nagpahayag ng suporta si Senador Christopher “Bong” Go sa panukalang budget ng Department of Trade and Industry (DTI) at mga attached agencies nito sa pagdinig ng Senate Finance sub-committee noong Martes, Oktubre 3.
Gayunpaman, umapela si Go sa mga kinauukulang ahensya ng gobyerno, partikular ang DTI, na tugunan ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin, pagaanin ang epekto ng inflation, at magbigay ng mas maraming pagkakataon sa kabuhayan para sa mga mahihirap upang matulungang makabangon mula sa pandemya at iba pang krisis kamakailan.
“Bigyan po ninyo ng mas maraming oportunidad na makabangon ang mga mahihirap. Ang maayos na kabuhayan ang isa sa mga magiging susi sa pagginhawa ng pamumuhay ng bawat pamilyang Pilipino,” sabi nito.
“Trabaho po ng DTI na bantayan din ang mga presyo ng bilihin lalo na ngayon na lumalala ang inflation. Bagama’t hindi natin kontrolado ang global factors na nagdudulot nito, sikapin dapat ng gobyerno na pagaanin ang hirap na dinadala ng ating mga kababayang pinakanangangailangan,” apela pa ni Go sa pamahalaan.
Ang paninindigan ni Go ay kasunod ng kamakailang survey ng Pulse Asia, na isinagawa mula Setyembre 10 hanggang 14, na nagpakita na ang kahirapan at inflation ay natukoy bilang dalawa sa mga pinakaproblema ng mga Pilipino.
Dahil dito, hinimok ng senadora ang gobyerno na unahin ang paglikha ng mas magandang oportunidad sa trabaho bilang isang mahalagang hakbang tungo sa pagpapagaan ng paghihirap ng mamamayan at pagpapatatag ng ekonomiya ng bansa.
“Sa pagtugon sa mga hamon ng kasalukuyang panahon, napakahalaga na maglaan tayo ng sapat na pondo para sa DTI upang maipagpatuloy nila ang kanilang mahalagang mga proyekto at programa. Sa tulong ng mga programa ng DTI, mas mapapaunlad natin ang sektor ng negosyo sa bansa at mas magkakaroon tayo ng mas maraming pagkakataon para sa trabaho at kabuhayan,” sabi pa ni Go.
Dagdag pa ni Go na ipinagkatiwala sa departamento ang mahalagang gawain ng pagsuporta sa micro, small, and medium enterprises (MSMEs) na tumutulong sa ekonomiya ng Pilipinas.
Aniya, ang mga negosyong ito ay mahalaga sa pagbuo ng trabaho at paghimok ng paglago ng ekonomiya ng bansa.
