
Ni NOEL ABUEL
Kinalampag ng ilang senador ang Department of Agriculture (DA) na gumawa ng aksyon para madagdagan ang supply ng gatas sa bansa.
Sinabi nina Senador Cynthia Villar at Senador Nancy Binay na malaki ang problema ng DA sa kakulangan ng supply ng gatas para sa mga mag-aaral.
Ayon kay Villar, nahaharap sa problema ang bansa sa kakulangan ng supply ng gatas dahil walang sapat na pondo ang Philippine Carabao Center (PCC) at ng National Dairy Authority (NDA) sa susunod na taon at binawasan ang pondo ng mga ito ng Department of Budget and Management (DBM).
“How will we increase milk production from 1 percent with the decrease in budget? How can we attain the goal of increasing to more than 1 percent?” tanong ni Binay.
Nabatid na target ng gobyerno na madagdagan ang dairy products ng bansa sa 3 porsiyento mula sa 1 porsiyento at 99 porsiyento naman ang mula sa ibang bansa o imported.
Giit naman ni Villar, dapat na ilipat ng DA ang pondo ng ilang programa nito na hindi namang mahalaga at ilipat ang pondo sa PCC at NDA upang lumaki ang produksyon ng gatas sa bansa.
“Ang milk is import to the young, gusto nating tumalino ng anak natin, lalo na ‘yung mahihirap sa probinsya, walang panggagalingan, tulungan n’yo kakawawa naman, mahirap na hindi pa ninyo tulungang patalinuhin, contonusly silang maghihirap,” paliwanag ni Villar na sinabing sa Masustansyang Pagkain ng Kabataang Pilipino sa ilalim ng Department of Education (DepEd) ay mahalagang maisama sa pagkain ng mga kabataan upang makakuha ng bitamina at calcium.
Sinabi naman ni DA Usec. Mercedita Sombilla, binawasan ng DBM ang pondo ng NDA mula sa hiling nitong P1.3B at tanging P272M lamang ang ipinagkaloob. Habang sa PCC na humihiling ng P1.4B ay P711M lamang ang inilaan ng DBM.
