3 babaeng biktima ng human trafficking naharang sa NAIA — BI

Ni NERIO AGUAS

Naharang ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang tatlong Pinoy na biktima ng human trafficking sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3.

Ang tatlong babaeng biktima na pawang may edad 46-anyos, 31-anyos, at 51-anyos, na nagtangkang lumabas ng bansa sakay ng Jetstar flight patungong Singapore.

Nabatid na nagkunwang magkaklase noong high school ang mga biktima at magbabakasyon sa Singapore.

Ngunit napansin ng mga tauhan ng immigration protection and border enforcement section (I-PROBES) ang magkakaiba at magkakasalungat na pahayag ng mga biktima nang siyasatin dahilan upang isailalim sa secondary inspection ang mga ito.

Ang patuloy na pagsusuri sa kanilang mga dokumento ay nagsiwalat ng kahina-hinalang nakalagay sa kanilang pasaporte, na nagpapahiwatig na ginalaw ito.

Nang maglaon ay napag-alaman na may hawak ang mga itong employment visa sa Malta, na ilegal na natanggal sa kanilang pasaporte.

“This modus of lifting visas from passport pages to evade immigration checks is done by big time syndicates who use special chemicals to carefully remove the visa. This was not done by small time recruiters, but by big time syndicates who operate by giving our kababayans false promises,” sabi ni BI Commissioner Tansingco.

Nabatid na nagsimula ang tatlo sa kanilang aplikasyon noong 2017, at nagbayad ng kabuuang halos kalahating milyong piso para sa kanilang mga visa.

Natanggap nila ang kanilang dokumentasyon noong umaga sa isang restaurant sa Baclaran, kung saan inutusan silang mag-pose bilang mga turista sa Singapore habang naghihintay ng kanilang mga tiket sa Malta.

Pinangakuan ang mga biktima ng trabaho bilang room attendant sa isang hotel sa bansang Europe.

Dinala na sa inter-agency council against trafficking (IACAT) ang kaso ng mga biktima at inihahanda na ang kaso laban sa kanilang recruiters.

“This is a clear case of trafficking. These are the type of trafficking cases that we handle every day that people do not see. Trafficking is real, and trafficking is here. Let us not resort to saying yes to these syndicates in our desire to work abroad,” ayon pa sa BI chief.

Leave a comment