Brownlee magiging PH Army reservist – Tolentino

(File photo)

Ni NOEL ABUEL

Ibinulgar ni Senador Francis “Tol” Tolentino na magiging bahagi ng Armed Forces of the Philippines (AFP) si Gilas Pilipinas hero Justin Brownlee.

Sa isang panayam sa 1st Miss ROTC Metro Manila, sinabi ni Tolentino na si Brownlee ay magiging miyembro ng Philippine army reservist.

“Si Justin Brownlee ay nangako na rin na magiging reservist ng Philippine Army so magiging bahagi rin siya bilang kawal ng Pilipinas bilang isang reservist,” sabi ng senador.

Aniya, bilang isang reservist, naniniwala itong malaking tulong si Brownlee sa bansa.

Magugunitang si Tolentino ang nagpanumpa kay Brownlee bilang maging naturalized Filipino noong nakalipas na Enero 16, 2023.

Si Brownlee, na nagmula sa US, ay unang sumali sa Philippine Basketball Association (PBA) bilang kapalit na import ng Barangay Ginebra.

Ito ay naging top-scorer ng Gilas Pilipinas noong Oktubre 6 na laro nito laban sa Jordan kung saan tinapos ng koponan ang 61-taong Asian Games gold drought ng Pilipinas para sa basketball.

Leave a comment