Caloocan City government muling kinilala ng DILG

Ni JOY MADELAINE

Muling tumanggap ng parangal ang lokal na pamahalaan ng Caloocan sa Department of the Interior and Local Government – National Capital Region (DILG- NCR) kaugnay ng 2022 Peace and Order Council Performance Audit.

Nabatid na tumanggap ang Caloocan City government ng 100 percent audit rating kung saan ang Peace and Order Council (POC) ng lungsod ay isinalarawan ng DILG-NCR bilang “highly functional” dahil sa kanilang namumukod-tanging pagganap at pare-parehong mga inobasyon sa pagtupad sa responsibilidad nitong lumikha ng mapayapa at ligtas na komunidad.

Nagpahayag naman ng pasasalamat si Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan sa DILG para sa kanilang mahahalagang rekomendasyon at binati ang POC sa kanilang mahusay na pagsisikap.

“Nagpapasalamat po tayo sa DILG sa panibagong pagkilala na iginawad sa ating lungsod. Siyempre, hindi natin ito makakamit kung hindi dahil sa mahusay at walang sawang pagkilos ng POC upang tulungan tayong gawing ligtas at payapa ang ating lungsod,” ayon sa local chief executive.

Iginiit din ni Mayor Along ang kanyang paalala na ang mga pagkilala mula sa mga pambansang ahensya ay nagpapakita ng bisa sa mga programa ng pamahalaang lungsod, ang kanyang administrasyon ay mananatiling nakatuon at mapagbantay sa pagprotekta sa mga karapatan at interes ng mga residente ng lungsod.

“Ngayong taon po, maraming beses nang kinilala ng iba’t ibang kagawaran mula sa pamahalaang nasyonal ang mga programa ng pamahalaang lungsod, ngunit hindi po ibig sabihin nito na tapos na ang ating mga gawain at responsibilidad,” sabi ng alkalde.

“Patuloy po tayong mag-iisip ng mga karagdagang hakbang at mas palalakasin pa ang mga existing programs nang sa gayon ay talagang masiguro natin na maayos, payapa, at ligtas ang pamumuhay ng mga Batang Kankaloo,” dagdag pa nito.

Leave a comment