Daan-daang Caviteño nabigyan ng ayuda

Ni NOEL ABUEL

Aabot sa 300 barangay volunteers at ambulant vendors sa lalawigan ng Cavite ang nakatanggap ng tulong mula kay Senador Alan Peter Cayetano at ngbDepartment of Social Welfare and Development (DSWD) noong nakalipas na araw ng Huwebes.

Namahagi ng tulong ang Bayanihan Caravan team ng senador sa mga barangay volunteers ng Cavite City at Dasmariñas City sa ilalim ng programang Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) ng DSWD.

Dumalo sa pamamahagi ng tulong sa Cavite City sina Vice Mayor Raleigh Rusit at Councilor Angel Sarmiento.

“Maraming maraming salamat po sa tulong ninyo sa Cavite City,” mensahe ni Rusit kay Cayetano.

Sa Dasmariñas City naman, isinagawa ang pamamahagi ng tulong sa mga ambulant vendors kasama si Barangay Santo Cristo Kagawad Allan Estrada sa Bacoor City.

Kabilang sa mga benepisyaryo ay ang 44-anyos na si Mely Gonowon, na nagpahayag ng pasasalamat sa senador na aniya’y “madaling lapitan.”

“’Yung nakuha ko pong pera ay gagamitin ko pong pampuhunan sa aking maliit na tindahan,” pahayag niya.

Nakikipagtulungan si Cayetano sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno at lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng kanyang Bayanihan Caravan, bilang tuwang sa kanyang mga panukalang batas na nakatuon sa pag-ahon ng mahihirap na Pilipino at sektor sa bansa.

Leave a comment