
Ni NERIO AGUAS
Nakatakdang gumamit na ng body camera ang mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at sa iba pang paliparan sa bansa.
Ito ang sinabi ni BI Commissioner Norman Tansingco kung saan sinimulan na ang pagbili ng mga body cameras para sa mga secondary inspectors ng ahensya gamit ang pondong P16 milyon.
Aniya, ang mga camera na bibilhin, ay may kakayahang mag-livestream upang masubaybayan ng kanyang tanggapan ang mga aktibidad ng mga tauhan ng paliparan.
“We have already initiated the procurement process, and expect that by the end of the year we can start the deployment of the cameras,” sabi ni Tansingco.
Kamakailan ay gumawa ng katulad na aksyon ang United States, nang iutos ni US President Joe Biden ang pag-deploy ng mga body camera sa mga ahensyang nagpapatupad ng batas noong nakaraang taon, na sinunod ng Department of Homeland Security ang isang patakaran sa buong departamento sa mga body-worn camera sa unang bahagi ng taong ito.
“Body cameras will ensure that our immigration officers are effective and remain accountable for their actions as law enforcers. It would be easier for us to investigate complaints of misconduct with the use of body cams. It would also remind our officers to always be professional in the conduct of their duties,” paliwanag ni Tansingco.
Maliban sa mga body camera, ibinahagi rin ng BI na kukuha rin ito ng karagdagang mga electronic gates upang palitan ang 50% ng kanilang mga manual operations sa 2026.
Noong nakaraang buwan, ibinahagi ng BI na pinag-aaralan nito ang pagkuha ng mga AI technology bilang karagdagang layer ng seguridad sa mga international ports ng entry and exit.
Sinabi pa ni Tansingco na ang technological upgrades ay bahagi ng pagnanais ng BI na gawing moderno ang operasyon nito upang maging kapantay ng ibang bansa.
