
BINABATI natin ang mga tropa sa Marilao Police Station dahil sa sinsero nilang pagtupad sa kanilang tungkulin.
Kamakailan ay sinalakay ng mga operatiba ng Marilao PNP ang sabungan sa New Marilao Coliseum dahil sa illegal na e-sabong.
Dahil dito, sinasaluduhan natin si Lt. Col. Eduardo Guevarra, Jr., acting chief of police ng Marilao bunsod ng ginawang paghuli sa mga taong nag-o-operate ng illegal na sabong online.
Ibig sabihin, sa dinami-rami ng mga chief of police sa buong lalawigan ng Bulacan, bukod tanging si Col. Guevarra lamang ang nakagawa nito.
Ang Bulacan ay may 21 lungsod at munisipyo, pero ‘out of 21 local police stations,’ mukhang si Col. Guevarra lamang ang may ‘guts’ at ‘balls.’
I hope hindi mapag-initan ang opisyal ng kanyang mga kasamahan.
Patunay na walang sinisino si Gueverra. Sa halip ay gusto lamang niyang ipatupad ang Executive Order No. 9 na kautusan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.
Ang nakatutuwa, lahat ng naaresto ng grupo ni Guevarra ay ipina-inquest sa piskalya.
Ibig sabihin, walang naganap na aregluhan at hindi maaaring sabihin na ito’y moro-moro lang.
Ang tanong ngayon, bakit hindi ito ipag-utos ni Police Regional Office (PRO) 3 Brig. Gen. Jun Hidalgo, partikular na kay Bulacan police director Col. Relly Arnedo?
Bakit yata mahina ang ‘no take policy’ at ‘one strike policy’ sa buong Region 3?
Samantala, habang huminto ang illegal na e-sabong sa Marilao ay tuloy naman ito sa Malolos Cockpit Old Arena, Sta. Maria Square Cockpit Coliseum, Balagtas Cockpit Arena.
Gayundin sa Clint Eryx Cockpit Arena sa bayan ng Balagtas na minamantine ng isang alyas Erwin.
Mayroong din sa Meycauyan Cockpit Arena, Bgy. Pandayan, Meycauyan, Bulacan at sa bayan ng Bustos, Bulacan, Norzagaray Cockpit Arena na minamantine ng isang alyas Lando at alyas Wowwie naman sa Angat Bulacan Coliseum.
Isang alyas Michael Piso ang operator ng illegal e-sabong sa Marilao, gayundin sa mga illegal na sabong online sa Sta. Maria at Guiguinto.
Tulad ng nauna nating impormasyon, ang pasımuno ng illegal e-sabong sa buong Region 3, partikular na sa Bulacan province ay ang gambling lord na si Dose at ang tagakamada ng intelihensiya na isang alyas J. Datu.
Ang ‘tongpats’ sa Bulacan PNP ay P1 million weekly, samantalang sa PRO 3 ay P2.5 million.
Hindi lang tayo ‘sure’ kung alam ba ito nina Gen. Hidalgo at Col. Arnedo.
Ano po tingin mo, Col. Jay Dimaandal, sir?
***
Para sa anumang reaksyon, suhestiyon at sumbong, tumawag o mag-text sa cell phone no. 09157412674.
