‘Demanda me’ talamak sa mga illegal aliens – DOJ Sec. Remulla

Ni NOEL ABUEL

Nais ni Department of Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na patawan ng malaking multa ang mga abogadong makikipagsabwatan sa mga dayuhan nakakulong sa Bi jail facility at PNP jail facility para hindi makaalis ng bansa.

Sa budget hearing ng DOJ at attached agency, na pinamumunuan ni Senador Sonny Angara, inamin ni Remulla na nagiging talamak ang nangyayaring ilang dayuhan na nakakulong ay sadyang ayaw umuwi ng kani-kanilang bansa at ang ginagawa ang magdemanda laban sa kanilang sarili upan makulong at manatili sa bansa.

Tinawag ni Remulla ang ginagawa ng mga dayuhan, na demanda me, kung saan inihalimbawa nito ang kaso ng ilang Japanese nationals na nakakulong na naghain ng kaso laban sa kanilang sarili para hindi maipa-deport pabalik ng kanilang bansa.

Ayon pa kay Remulla, sa prosecutors pa lamang ay nangyayari ang demanda me, kung kaya’t binalaan na ito ng kalihim na itigil ang ginagawa ng mga ito.

Sinabi naman ni Remulla, ayaw tumulong ng China ipa-deport ang mga Chinese na may kaso at tanging mga biktima lamang na human smuggling ang ipabalik ng mga ito sa kanilang bansa.

Sa kaso ng mga Chinese nationals, kahit na magtagal sa piitan sa bansa ay ok lang sa kanila dahil na rin sa takot na maparusahan sa China.

Ito ang sinabi ni Senador Ronald Bato Dela Rosa noong hepe pa ito ng Davao City police, 1,000 dayuhan ang naobserbahan nito na gumagamit ng demanda me.

Mas nais umano ng mga Chinese at Taiwanese nationals na makulong na lamang sa Pilipinas sa halip na ipa-deport pabalik ng China na kilalang galit sa operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).

Inihalimbawa pa nito ang kaso ng Taiwanese nationals na sangkot sa POGO operations na takot maipa-deport pabalik ng China dahil sa takot sa parusang pwedeng maabot ng mga ito.

Una nito, nanghihinayang si Senador Nancy Binay sa ginagastos ng pamahalaan sa pagkain, kuryete at iba pa sa mga nakakulong na dayuhan kung kaya’t apela nito ay madaliin ang pagresolba sa kaso ng mga ito.

Samantala, sinabi naman ni BI Commissioner Norman Tansingco na may katapat ang demanda me, ito ang deport agad me, o may mga dayuhan na naaresto sa kasong kriminal na ayaw makulong sa bansa at nais na agad na maipa-deport ang mga ito.

Leave a comment