Panukalang batas para sa mga guro ipasa na — Sen. Binay

Ni NOEL ABUEL

Umapela si Senador Nancy Binay sa mga kapwa nito mambabatas na ipasa na ang dalawang panukalang batas para sa kalagayan ng mga guro sa buong bansa.

“Umaasa akong maipasa na ang mga panukalang batas na sinusulong ang kapakanan ng mga guro bilang pagpapasalamat sa serbisyong ginagawa nila. Mas magiging makabuluhan ang ganitong aksyon kaysa simpleng pagbati lang ng Happy Teachers’ Day,” sabi ni Binay.

Si Binay, ang may-akda ng Senate Bill No. 339, na nagmumungkahi ng pagtaas ng buwanang minimum na sahod ng mga guro at non-teaching personnel, at SBN 2370, na nananawagan ng exemption sa buwis ng honoraria, allowance, at iba pang benepisyong pinansyal na natatanggap ng mga guro para sa pagbibigay ng serbisyo sa panahon ng halalan.

Sa sandaling maging batas, itataas ng SBN 339 ang minimum na suweldo ng mga guro sa pampublikong paaralan sa elementarya at sekondarya sa P25,439 hanggang P28,000 kada buwan.

Habang ang minimum salary ng mga non-teaching personnel sa elementary at secondary schools ay tumatanggap ng P12,517 ay gagawing P16,000 kada buwan.

Samantala, ang SBN 2370 ay nag-uutos na ang lahat ng honoraria, allowance, at iba pang benepisyong pinansyal na ipinagkaloob sa mga gurong nagseserbisyo sa panahon ng halalan ay hindi dapat isama sa komputasyon ng kabuuang kita at i-exempt sa income tax.

Sinabi ni Binay na malaki ang maitutulong ng dalawang hakbang na ito sa mga guro na makayanan ang pagtaas ng halaga ng pamumuhay.

“Currently, what our teachers receive is not commensurate to the workload that they have no choice but to deliver. Kaya’t marami sa ating mga guro ang nababaon sa utang dahil kinakapos ang kita para sa kanilang pamilya,” sabi nito.

Sa kasalukuyan ay nakasalang sa komite ng Senado ang dalawang panukalang batas.

Leave a comment