CIF ng Office of the President hindi tinutulan ng Senado

Senador Sonny Angara
Executive Secretary Lucas Bersamin

NI NOEL ABUEL

Agad na nakalusot sa Senate committee on finance ang hinihinging P10.707 bilyong pondo para sa susunod na taon ng Office of the President (OP) sa isinagawang pagdinig ngayong araw.

Walang dumating na ibang senador sa nasabing pagdinig na tumagal lamang ng nasa 30-minuto at tanging si Senador Sonny Angara, ang chairman ng Senate committee on finance ang humarap sa mga kinatawan ng OP sa pangunguna ni Executive Secretary Lucas Bersamin.

Kasama sa hinihiling na pondo ng OP ang P4.56 bilyon na confidential and intelligence funds, na hindi tinutulan ni Angara sa pagsasabing ngayong taon ay mayroong CIF ang OP ngunit sa susunod na taon ay walang dagdag na hiningi.

“Ang kagandahan dito sa Office of the President, hindi naman siya humingi ng dagdag. Ito rin ang tinanggap na pondo noong panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte,” sabi ni Angara.

“Presidente ‘yan. Gusto ba nating pilayan ‘yung president? Kapag sinabi niyang kailangan niya kasi there are many things na even me as a senator hindi ko alam kasi presidente lang ang nakakaalam ng intelligence. Kasi may mga alam siya na hindi natin alam. ‘Yun ang bottom line,” dagdag pa ng senador.

Paliwanag ni Angara, dahil sa “long-standing tradition of parliamentary courtesy” ay hindi na kinukuwestiyon ang pondo ng OP at ang CIF nito ay hindi rin dapat na kuwestiyunin pa.

“There are no colleagues [here], meaning they have a vote of confidence in your budget, so we will favorably endorse your budget for plenary consideration,” sabi ni Angara.

Nausisa si Angara kung ano ang tingin nito na kung ang Office of the Vice President (OVP) ay kinukuwestiyon ng marami ang CIF nito, habang ang OP ay walang humaharang sa hiling nitong CIF.

“I think the difference of the OP is dati nang meron. So hindi siya pinag-uusapan at hindi na nag-increase ang amount. Whereas doon sa OVP, dati wala kasi. I think that’s the reason why parang may debate kung bakit ngayon meron na, pero dati wala. I think ‘yan ang pingmulan niyan,” tugon ni Angara.

Hindi rin aniya malaking kuwestiyon ang CIF ng OP dahil sa detalyado namang naipakita kung ano ang pinaggamitan nito at pinaggastusan.

“Nandoon ang reports. Tiningnan natin. Very detailed naman ‘yung sa OP. Nakalagay naman doon ‘yung pinaggastusan, may pangalan pa nga ‘yung pinagbigyan ng mga incentives or sort of rewards,” aniya pa.

Sa kabilang banda, sinabi ni Angara na bagama’t walang pagtatanong na nangyari sa komite sa budget ng OP ay maaari naman itong tanungin ng mga senador sa Senate plenary sa period of amendments.

Leave a comment