Nagpakilalang empleyado ng DOJ hinarang sa NAIA

Pirma ng opisyal na IACAT pineke

NI NERIO AGUAS

Pinigilang makaalis ng bansa ng Bureau of Immigration (BI) ang isang babae na nagpakilalang empleyado ng Department of Justice (DOJ).

Ayon kay BI Commissioner Norman Tansingco ang biktimang itinago ang pagkakakilanlan ay 30-anyos na hinarang sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 bago makasakay ng Philippine airlines flight patungong Singapore.

Nabatid na nagpakilalang empleyado ng DOJ ang nasabing biktima bilang administrative staff at nagsabing delegado ito at official travel kasama si Usec. Nicholas Felix Ty ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT).

Si Usec. Ty ay nagsisilbing undersecretary-in-charge ng IACAT at kasalukuyang nasa bansang Thailand upang dumalo sa isang pagpupulong kaugnay ng human smuggling, trafficking in persons, at iba pang transnational crime.

Nang dumaan sa immigration counters ang biktima ay nagpakita ito ng travel authority na pinirmahan umano ni Usec. Ty.

Gayunpaman, napansin ng mga opisyal ang hindi pagkakapare-pareho sa pirma na nag-udyok sa kanila na mag-verify sa DOJ.

Kalaunan ay nakumpirma na ang travel authority na ipinakita ng biktima ay peke, at ang sa halip ay na-recruit ito upang magtrabaho sa United Arab Emirates (UAE) bilang isang entertainer.

Inamin ng biktima na nagbayad umano ito ng 38,000 AED para sa kanyang mga pekeng dokumento, na babayaran nito sa pamamagitan ng salary deduction sa loob ng dalawang taon.

Idinagdag pa nito na ibinigay lang sa kanya ang kanyang mga dokumento sa isang fast food chain malapit sa airport.

“The fake documents presented in this case is ridiculous. Faking the signature of the Usec. in charge of IACAT to avoid scrutiny is the idea of these illegal recruiters and human traffickers who will not stop finding ways to evade inspection,” sabi ni Tansingco.

Ang biktima ay dinala sa DOJ-IACAT para sa kaukulang imbestigasyon at paghahain ng reklamo laban sa kanyang illegal recruiters.

Leave a comment