OFW lounge sa NAIA ininspeksyon ni OFW party list Rep. Magsino

Si OFW party list Re. Marissa “Del Mar” Magsino habang nagsasagawa ng ocular inspection sa OFW lounge sa NAIA.

Ni NOEL ABUEL

Nagsagawa ng ocular inspection ang isang kongresista sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 upang tiyakin na tumugon ang Department of Transportation (DOTr) sa pangako nitong maglalagay ng OFW Lounge sa paliparan.

Personal na binisita ni OFW party list Rep. Marissa “Del Mar” Magsino ang NAIA Terminal 1 para tingnan ang itinayong OFW lounge na magagamit ng mga OFWs na naghihintay ng kanilang paglipad palabas ng bansa.

Magugunitang noong budget deliberations sa Kamara, kinuwestiyon ni Magsino ang DOTr kung bakit walang inilalaang lounges ang ahensya para sa mga overseas Filipino workers (OFWs).

Kasabay nito, inihain si Magsino ng House Resolution 1305, na naglalayong magsagawa ng pagtatanong sa pagtatatag ng mga lounges na nakatuon sa mga OFW sa iba’t ibang internasyonal na paliparan sa buong bansa.

“Sinabihan tayo recently ng DOTr na mayroon na silang proposed OFW lounge sa NAIA 1 kaya’t ating binisita ito upang makita kung maganda ba ang espasyong inilaan tulad ng ating iminumungkahi. Nais natin makita kung accessible at komportable ang lugar. Dapat pang-VIP ang dating ng lounge dahil tinaguriang modern-day heroes ang ating OFWs. And we appreciate the commitment and initial steps taken by DOTr Secretary Jaime Bautista, USec. Bobby Lim, and MIAA OIC Bryan Co on the establishment of OFW lounges in our international airports,” sabi ng kongresista.

“Apart from the proposed lounge in Terminal 1, DOTr also designated a 270-square meter lounge in NAIA Terminal 3 for our OFWs and this is already being developed in coordination with DMW. Per MIAA, these will be operational by December 2023. Of course, we are also grateful to President Marcos for his policy directive to always prioritize our OFWs,” sabi pa ni Magsino.

Sinabi ni Manila International Airport Authority Assistant General Manager Raffy Regular na ang panukalang lounge sa NAIA Terminal 1 ay may sukat na 180 square meters.

Napag-usapan din sa inspeksyon na ang OFW lounge ay lalagyan ng Wi-Fi connectivity para sa layunin ng komunikasyon at pangangalap ng impormasyon, battery charging docks at power outlets, paging system, at mga inumin.

Ang mga ito ay ipagkakaloob ng Department of Migrant Workers (DMW).

Kasama ni Magsino na nagsagawa ng inspeksyon sina DMW Undersecretary Bernard Olalia at Assistant Secretary Venecio Legaspi, gayundin sina Dr. Angela Superticioso at Dr. Ramon Barlisan ng Department of Health (DOH).

“Bukod sa OFW lounge, sinilip din natin ang paglalagyan ng OFW Health Desk sa arrival area ng NAIA Terminal 1 na bunga ng ating pakikipagtulungan sa DOH, DMW, at MIAA. Our OFWs deserve all the support and recognition for their hard work and dedication to our country. They deserve a red-carpet treatment as they depart from and arrive in the country” pahayag pa nito.

“The OFW lounge and Health Desk in our international airports dedicated to our modern-day heroes are in alignment with this idea. Gusto natin ipadama sa ating OFWs na sila ang bida,” dagdag pa ni Magsino.

Leave a comment