Kamara hindi titigil sa pagbabantay sa presyo ng bigas, sibuyas at iba pang agricultural products

Ni NOEL ABUEL

Hindi titigil ang Kamara sa pagbabantay at pag-monitor sa presyo ng sibuyas, bigas at iba pang produktong petrolyo sa buong bansa.

Ito ang pangako ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez kasabay ng pagpuri sa Department of Justice (DoJ) at sa National Bureau of Investigation (NBI) sa pagsasampa ng kaso laban sa mga nasa likod ng pagtataas ng presyo ng sibuyas na umabot ng P700 kada kilo noong huling bahagi ng 2022.

Dahil sa hinihinalang hoarding at manipulasyon ng presyo, at alinsunod sa kagustuhan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na gawing abot-kaya ang mga produktong agrikultura, agad na hiniling ni Romualdez sa House committee on agriculture na siyasatin ang pagtaas ng presyo ng sibuyas.

Aniya ang pagsasampa ng mga kasong kriminal at administratibo laban sa mga nasa likod ng pagtaas ng presyo ay resulta ng masusing imbestigasyon ng Kamara.

“We welcome this result and we expect prosecutors to make the charges stick. We will continue to monitor prices and we will not hesitate to exercise our power of oversight by conducting an investigation and prodding agencies so we can protect the public from high prices and inflation,” ayon kay Romualdez.

Pinuri rin ng pinuno ng Kamara ang House committee on agriculture, partikular ang chairman nitong si Quezon Rep. Mark Enverga at ang lead investigator nitong si Marikina City Rep. Stella Luz Quimbo, sa matagumpay na pagdaraos ng mga pagdinig hinggil dito.

Umabot ng apat na buwan ang isinagawang pagdinig ng komite matapos na ibunyag ni Quimbo ang mga nasa likod ng kartel na nang-hoard at nagmanipula sa presyo ng sibuyas.

Dahil dito, mula sa P700 kada kilo ng sibuyas ay bumagsak ito sa P160.

Nagpahayag ng pagkadismaya si Romualdez sa umano’y pagkakasangkot ng mga opisyal ng Department of Agriculture (DA) sa manipulasyon ng presyo ng sibuyas.

“As public officers, we are expected to protect our people, not to make them suffer from abusive and illegal practices,” sabi nito.

Hinimok din ni Romualdez ang DoJ-NBI na habulin ang iba pang opisyal at pribadong mamamayan na pinaghihinalaang lumahok sa manipulasyon ng presyo at pag-iimbak ng mga sibuyas, bigas at iba pang pangunahing pagkain.

Hiniling din nito sa mga kinauukulang ahensya ng gobyerno tulad ng Cooperative Development Authority (CDA) na parusahan ang mga kasamang organisasyon sa ilalim ng kanilang superbisyon at kanilang mga opisyal.

Kasamang kinasuhan ng paglabag sa Republic Act (RA) No. 3019 o Anti Graft and Corrupt Practices Act sina DA Assistant Secretary Kristine Evangelista, Agribusiness and Marketing Assistance Service officer in charge Junibert de Sagun at Bureau of Plant Industry Director Gerald Panganiban.

Maliban dito, may kasong administratibo rin ang kinakaharap ng mga nasabing opisyales ng pamahalaan.

Sa kabilang banda, sinampahan ng kasong hoarding, falsification at profiteering ang mga opisyal ng Bonena Multipurpose Cooperative na sina Israel Reguyal, Mary Ann dela Rosa at Victor dela Rosa Jimenez.

Leave a comment