Kompensasyon sa mangingisdang nasawi at survivors sa banggaan ng fishing boat at oil tanker iginiit ng mga senador

Ang mga nakaligtas na mangingisda na sina Michael An at Noriel Cabidog nang humarap sa pagdinig ng Senado sa nangyaring maritime collision sa Bajo De Masinloc. (Photo courtesy of Office of Sen. Tolentino)

Ni NOEL ABUEL

Ibinunyag ng ilang nakaligtas na mangingisdang Pinoy mula sa pagbangga ng isang crude oil tanker na patuloy na nakakaranas ng trauma at labis ang takot dahil sa nasabing aksidente na ikinasawi ng tatlong kasamahan nito.

Sa pagdinig ng Senate Special Committee on Philippine Maritime and Admiralty Zones, binanggit ng 11 mangingisdang nakaligtas sa banggaan noong Oktubre 2 sa Agno, Pangasinan, di kalayuan sa Bajo de Masinloc, ikinuwento ng mga ito kung papaano binangga ang sinasakyan ng mga itong FV Dearyn ng Pacific Anna na nakarehistro sa Republic of Marshall Islands noong madaling-araw ng Agosto 2.

Ikinuwento ng survivor na sina Johnny Manlolo, na saksi ito nang bumangga ang nasabing oil tanker sa kanilang bangka kung saan nagawa nitong makatalon sa dagat kung kaya’t nakaligtas habang ang iba pang kasama nito ay lumubog din.

Habang ang iba pang mangingisda kabilang si Mandy An na nagsabing tumilapon ito habang nasa ilalim ng bangka nang mangyari ang pagbangga kasabay ng pagtaob ng bangka.

Nang lumutang ay nakita ni An ang kasamahan nitong sina Dexter Laudencia, Romeo Mejeco, at Benedicto Olandria ay lumutang at wala nang buhay.

Samantala, ang walo pang mangingisda na malayo sa pinangyarihan ng trahedya ay nalaman na lamang ang nangyari nang pagbalik dakong alas-9:00 ng umaga ay nakitang nakataob na ang bangka at nasa ibabaw nito ang dalawang kasama.

Dahil sa pangyayari, napilitan ang mga mangingisda na itapon na lamang pabalik ng karagatan ang nahuli nitong mga isda na ilang tonelada para isakay ang labi ng mga nasawing tatlong mangingisda at iba pang kagamitan na natira mula sa FV Dearyn.

Samantala, iniharap naman ng Philippine Coast Guard (PCG) ang imbestigasyon nito sa nasabing aksidente kung saan tinukoy ng mga ito ang oil tanker na Pacific Anna na nakarehistro sa Republic of Marshall Islands na pinakamalapit na barko na dumaan sa pinangyarihan ng aksidente.

Ganito rin ang pagsasalarawan ni Manlolo na nakita nito ang kulay pulang malaking barko na bumangga sa kanilang bangka at patunay nito ay may kulay pulang pintura sa kanilang bangka.

Sa pagdinig, umapela sina Senador Francis Tolentino, chairman ng nasabing komite, Senador Robinhood Padilla at Senate Minority Leader Koko Pimentel sa may-ari ng nasabing oil tanker na tulungan ang pamilya ng tatlong nasawing mangingisda at ang mga survivors upang makabangon mula sa aksidente.

“Mas maganda siguro mabigyan natin ng hustisya rin itong mga namatayan without waiting for the results of, for instance the reply coming from Singapore or from the flag state,” sabi ni Tolentino kay Department of Justice Senior State Counsel Atty. Fretti Ganchoon.

Nangako naman ang mga kinatawan ng Sinokor Maritime Co. Ltd, na si Ms Ha Yan Ro, Capt. Leo Bolivar, deputy commissioner for Maritime Affairs Republic of the Marshall Islands at Capt. Abhishek Sinha, Fleet Management Services Philippines, Inc. Manning Agency for Pacific Anna, na sinisiguro nitong makikipagtulungan sa PCG upang ibigay ang financial o compensation sa mga nasawi at survivors ng FB Dearyn.

Leave a comment