
Ni NOEL ABUEL
Sinita ni Senador Francis “Tol” Tolentino ang ipinatutupad regulasyon ng Maritime Industry Authority (MARINA) na nagpapahirap sa mga mangingisdang Pinoy na makakuha ng fishing permit.
Sa pagdinig ng Senate Special Committee on Philippine Maritime and Admiralty Zones, hindi nagustuhan ni Tolentino ang sumbong ng mga mangingisda na kinukumpiska ng MARINA ang huling isda ng mga ito dahil sa kabiguang makakuha ng sertipikasyon mula sa ahensya.
“Kawawa naman iyong mga mangingisda, kukunin lahat pati banyera dahil walang certificate,” giit ni Tolentino.
Sa pahayag ni Michael An, isa sa 11 mangingisdang nakaligtas sa nangyaring pagbanga ng isang oil tanker sa sinasakyang bangka nito sa Bajo de Masinloc noong Oktubre 2, hirap na hirap ang mga mangingisda na irehistro ang kanilang mga barko dahil sa kawalan ng access ng opisina ng MARINA na matatagpuan sa Maynila.
“Dapat lumapit kayo sa mga mangingisda. Wala na tayong isda, nag-aangkat pa tayo ng isda, tapos kayo naman pinapahirapan ninyo ‘yung mga mangingisda,” sabi ni Tolentino.
“The root of all of these is the difficulty on securing a permit because you have no satellite offices,” dagdag pa nito.
Pinabulaanan naman ni MARINA Enforcement Service Officer Atty. Benedicto Manlapaz ang sinasabing pagkumpiska sa mga huling isda ng mga mangingisda.
“We are not condoning any of these things especially to our fishermen,” sabi ni Manlapaz.
Payo pa ni Tolentino sa mga mangingisda na maghain ng reklamo sa Senate Maritime Zones Committee para sa kaukulang aksyon.
