
Ni MJ SULLIVAN
Niyanig ng malakas na paglindol ang ilang lugar sa Metro Manila at karatig lalawigan makaraang tumama ang magnitude 5.0 ngayong umaga sa probinsya ng Batangas, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Base sa datos ng Phivolcs, dakong alas-8:24 ng umaga nang maramdaman ang nasabing paglindol na natukoy ang sentro sa layong 005 km timog kanluran ng Calaca, Batangas.
May lalim itong 014 km at tectonic ang origin.
Sa instrumental intensities, naitala ang intensity V sa Lemery, Batangas habang intensity IV sa Cuenca, Bauan, Sta. Teresita, at San Luis, Batangas; Tagaytay City, Cavite; Muntinlupa City, Metro Manila.
Naramdaman ang intensity III sa Laurel, Batangas City, Batangas; Tagaytay City, Cavite; Dolores, Quezon; at intensity II sa Talisay, at Rosario, Batangas; Magallanes, Cavite; Boac, Marinduque; lungsod ng Las Piñas, lungsod ng Pasay, Metro Manila; Puerto Galera, Oriental Mindoro; Mauban, Polillo, at Gumaca, Quezon; Taytay, Antipolo, Rizal.
Intensity I naman sa Dinalupihan, Bataan; Malvar, Batangas; Malolos City, at Guiguinto, sa Bulacan; Ternate, Cavite; San Pablo, Laguna; Malabon City, Pateros, San Juan City, Parañaque City; Abra De Ilog, at Mamburao, Occidental Mindoro; Lucban, Quezon; Lucena City, at Alabat, Quezon at Tanay, Rizal
Samantala, dakong alas-8:47 ng umaga nang magkaroon ng aftershocks sa Bauan, Batangas.
Naitala ito sa magnitude 2.1 at may lalim na 030 at tectonic ang origin.
Inaalam pa kung may danyos at epekto ang nasabing malakas na paglindol kung saan sa Metro Manila ilang eskuwelahan at opisina ng pamahalaan ang nabulabog at agad na lumabas ng kanilang mga gusali.
