Dating alkalde ng Mexico, Pampanga ipapa-, contempt ng Kamara

Rep. Robert Ace Barbers

Ni NOEL ABUEL

Posibleng maharap sa kasong contempt ang isang alkalde ng bayan ng Mexico, Pampanga dahil sa paglabas ng impormasyon na sinasabing kinuha sa huling closed-door session ng panel noong nakaraang linggo.

Ayon kay Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, committee chairman ng House committee on dangerous drugs, maaaring maharap sa contempt si Mayor Teddy Tumang, na iimbitahan sa susunod na pagdinig, dahil sa paglabas ng impormasyon.

Sinabi ni Barbers, chairman ng komite, na muli nitong aanyayahan si Tumang sa susunod na pagdinig ng kanyang panel tungkol sa pagkakasamsam kamakailan ng mahigit 500 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P3.6 bilyon mula sa isang bodega sa Barangay San Jose Malino sa Mexico.

“Executive session ‘yun at ang napag-usapan ay tungkol sa nasabing droga na nasabat at ang mga sirkumstansiya sa pagkakadiskubre ng 560 kilos (of shabu) at operational details na confidential in nature. Wala pong pinag-usapan tungkol sa politika,” sabi nito.

Hihilingin aniya nito sa dating alkalde na sabihin sa komite kung kanino nito nakuha ang impormasyon tungkol sa mga tinalakay sa executive session.

Ipinagbabawal ng mga alituntunin ng Kamara ang pagsisiwalat ng impormasyong tinalakay sa isang executive session kung saan ang pagsisiwalat ay maaaring parusahan.

Una nito, nagsagawa ang komite sa isang closed-door session pagkatapos ng isang bukas na pagdinig noong Oktubre 9 upang bigyan ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at ang National Bureau of Information (NBI) na nagbigay ng briefing sa komite sa pagpasok sa bansa at pagkakalumpiska ng malalaking shabu shipment sa Barangay San Jose Malino.

Dumalo ang dating alkalde sa pampublikong bahagi ng pagdinig kasama ang iba pang dating at kasalukuyang opisyal ng Mexico government.

Sinibak ng Office of the Ombudsman si Tumang kaugnay ng kasong katiwalian laban dito.

Ang pagbubunyag ng dating alkalde sa impormasyong tinalakay sa closed-door session ay nakarating sa kaalaman ni Barbers.

Pina-subpoena ng komite ang negosyanteng si Willy Ong, may-ari ng bodega ng Barangay San Jose Malino kung saan nasamsam ang P3.6 bilyong halaga ng shabu at si Roy Gomez, town hall aide ni Tumang noong alkalde pa ito.

Bukod sa pagtatrabaho sa municipal hall, si Gomez, ayon sa dating alkalde, ay nag-facilitate ng mga dokumento tulad ng mga permit para kay Ong.

“Nakikita ko po Mr. chair, parang ‘yung municipality of Mexico is very privy to the activities of Mr. Willy Ong, starting from the barangay all the way up to the municipality,” sabi ni Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel, sa pagdinig noong Oktubre 9.

“We just want to know, huwag sana po kayong magagalit Mayor Tumang, gusto lang po naming malaman kasi dalawang beses na po sa Pampanga, sa Mexico po, and this is one of the biggest drug busts, whether officials from barangay to municipality, we are not accusing anyone yet Mayor Tumang, pero gusto po nating malaman kung involved po kayong mga local official doon sa drug bust, Mayor Tumang,” pag-uusisa ni Pimentel.

Leave a comment