
Ni NERIO AGUAS
Magsasanib-puwersa ang Department of Justice (DOJ) at Bureau of Immigration (BI) para imbestigahan ang ulat na pag-escort ng mga lokal at dayuhang turista sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at iba pang paliparan sa bansa.
Sinabi ni BI Commissioner Norman Tansingco na makikipag-ugnayan ito sa DOJ upang alamin ang ulat na ilang tauhan ng ahensya ang nagsasaayos ng problemadong papeles ng isang pasahero.
Ginawa ng BI chief ang pahayag kasunod ng panayam kay DOJ Secretary Jesus Crispin Remulla na nagsabing iniimbestigahan ng departamento ang posibleng muling pagbangon ng escort services na inaalok ng mga immigration officers sa mga paliparan.
Inihayag ni Tansingco na mayroong kabuuang 72 na nakabinbing kaso sa kanilang Board of Discipline (BOD) laban sa mga tiwaling immigration personnel mula nang maupo ito sa puwesto.
Dagdag pa nito, bukod sa bilang na ito, sinimulan na ng BI ang pagsasampa ng mahigit 100 kaso sa DOJ.
Mayroong 73 empleyado ng BI ang nakatanggap na ng desisyon sa kanilang kaso ngayong taon, na kinabibilangan ng pagsibak sa serbisyo at pagkakasuspende.
Kabilang sa mga ito ang kaso ng isang lalaking immigration officer na nagsaayos sa pag-alis ng 13 Pilipino na kalaunan ay naging subject ng human trafficking, gayundin ang kaso ng isa pang lalaking opisyal na pinayagan ang paglalakbay ng isang naka-blacklist na Korean national.
Sumang-ayon si Tansingco kay Remulla sa pagsasabing hindi madaling solusyunan ang problema ng isyu ng katiwalian sa BI.
“This has been a long problem of the Bureau, and we are making significant strides to catch corrupt employees and prevent other personnel from being tempted to go the rouge path,” sabi pa nito.
Sinabi pa ni Tansingco na ipinatutupad sa BI ang ‘one strike policy’, kung saan ang sinumang empleyado na sangkot sa mga kontrobersya ay agad na tinatanggal sa frontline habang naghihintay ng imbestigasyon.
Maliban sa agarang parusa, sinabi ni Tansingco na ang mga technological upgrades ay inilalagay upang magdagdag ng isa pang layer ng seguridad at maiwasan ang katiwalian.
“Ngayon manual pa rin tayo—a passenger has to interact with an immigration officer to be processed. But with the upgrades we are implementing, our operations would involve e-gates and AI, which would remove unnecessary person-to-person contact,” sabi nito.
Nauna nang iniulat ng BI na bumili na ito ng mga body camera para sa kanilang mga BI inspectors, na inaasahang ipapakalat sa katapusan ng taon.
Kasama rin sa dagdag proteksyon ng BI ang Advance Passenger Information System (APIS) na sa sandaling maipatupad, ang BI ay makakatanggap ng advance information sa mga undesirable aliens at security threads bago pa makapasok sa bansa.
“Corruption has no place in the BI. Together with the DOJ, and with the use of technologies, we will weed out corrupt personnel,” sabi pa ni Tansingco.
