Katiwalian sa LTFRB iimbestigahan ng Kamara

Rep. Bienvenido Abante Jr.

Ni NOEL ABUEL

Pinaiimbestigahan ng isang kongresista sa Kamara ang sinasabing katiwalian sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Ayon kay Manila 6th District Rep. Bienvenido Abante Jr. kasunod ng pagsuspende kay LTFRB Teofilo Guadiz III, marapat lamang na malaman kung may kumpirmasyon na talamak ang katiwalian at kurapsyon sa ahensya.

Sinabi pa ni Abante na ang pagsuspende kay Guadiz ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ay isang indikasyon na sineseryoso ng administrasyon ang mga alegasyon ng katiwalian.

Bagama’t binawi na ng dating tauhan ng LTFRB ang alegasyon ng katiwalian na nagsasangkot kay Guadiz at iba pang opisyal ng Department of Transportation (DOTR), sinabi ng mambabatas na tungkulin ng Kamara na magsagawa ng pagtatanong upang matiyak ang lawak ng umano’y iregularidad sa ahensya.

“While the whistleblower has recanted his initial statements accusing Atty. Guadiz and other officials of corruption, he maintains that there are still problems in the LTFRB that merit an immediate inquiry,” sabi pa ng mambabatas.

“What are these problems? How do LTFRB officials exploit the agency’s regulatory functions to extort millions from transport companies and groups? Who are these officials? These are just a few of the questions we want answers to,” dagdag pa ni Abante.

Inihain ni Abante nitong Miyerkules ang House Resolution No. 1381, na humihimok sa Committee on Good Government and Public Accountability na magsagawa ng imbestigasyon sa mga alegasyon ng katiwalian na kinasasangkutan ng LTFRB kaugnay ng pagpapatupad ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).

Nakapalooob din sa resolusyon na suspendehin ang PUVMP habang hinihintay ang resulta ng imbestigasyon.

Dagdag pa ni Abante, miyembro ng House Committee on Transportation, susuportahan nito ang hakbang ni House Transportation Committee Chairperson at Antipolo 2nd District Rep. Romeo Acop na ituloy ang imbestigasyon sa mga alegasyon ng katiwalian sa LTFRB.

Ayon pa kay Abante, ang pagsususpende sa PUVMP habang nagpapatuloy ang pag-iimbestiga ay makakatulong ito at magbibigay-daan sa mga kongresista upang matukoy ang mga paraan upang ma-insulate ito at iba pang proseso ng LTFRB mula sa katiwalian.

“Regulatory agencies like the LTFRB provide opportunities for criminal minds who take advantage of transport groups that want to secure franchises. May mga grupo na nagrereklamo na, at dapat lang tingnan kung paano natin matutulungan ang mga ito,” ayon pa sa kongresista.

Leave a comment