Agarang repatriation sa OFWs na naiipit sa Israel-Hamas conflict iginiit ni Speaker Romualdez

P500k tulong sa pamilya ng ikatlong Pilipinong nasawi ipagkakaloob

Ni NOEL ABUEL

Nanawagan si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez para sa agarang pagpapauwi sa mga overseas Filipino workers (OFWs) na naiipit sa kaguluhan sa pagitan ng Israeli forces at Palestinian militant group na Hamas.

Kasabay nito ay sinabi ni Speaker Romualdez na magbibigay rin ito ng P500,000 personal na tulong sa pamilya ng ikatlong Pilipino na kumpirmadong nasawi sa kaguluhan.

Nauna rito, sinabi ni Romualdez na siya katuwang si Tingog party list Rep. Yedda Marie K. Romualdez ay magbibigay ng personal na tulong na tig-P500,000 sa pamilya ng dalawang Pilipino na kumpirmadong nasawi sa kaguluhan sa Israel.

Nagpahayag ng pag-aalala si Speaker Romualdez sa kaligtasan ng mga Pilipino na naiipit sa kaguluhan kaya nanawagan ito sa Department of Foreign Affairs (DFA) at Department of Migrant Workers (DMW) na agad iproseso ang pagpapauwi sa mga OFWs na nasa Israel at Gaza strip na hawak ng Hamas.

Sinabi ng lider ng Kamara na mayroong mga Pilipino na nagpahayag ng kanilang nais na makauwi sa bansa, isang indikasyon umano ng kung ano ang sitwasyon sa nagaganap na Israel at Gaza.

“What we’ve learned from DFA and credible news sources is that nearly a hundred OFWs based in Israel are eager to return to the Philippines,” ani speaker.

“I am confident in the preparedness of our Armed Forces, with their C-130 aircraft at the ready to transport and bring our OFWs safely back home. But I believe the DFA and DMW have the necessary funds to facilitate the repatriation of our OFWs, enabling them to charter flights for this purpose,” dagdag pa nito.

Batay sa datos mula sa DFA, sa 131 Pilipino sa Gaza, 92 indibidwal ang nagpahayag ng pagnanais na makauwi sa Pilipinas. Sa Israel naman, hindi bababa sa 22 Pilipino ang pormal na nag-request na sila ay iuwi sa bansa.

Ayon kay Romualdez ang mga mercy flight ay hindi naman kailangang lumapag sa Israel dahil maaari itong gawin sa Egypt o Jordan para matiyak ang kaligtasan ng mga OFW.

Nanawagan din ito sa mga OFWs na makipag-ugnayan sa Philippine Embassy upang maproseso ang kanilang pagbabalik sa bansa.

“The safety and welfare of Filipino citizens are paramount, and we are committed to working closely with the DFA, DMW, and other relevant authorities to ensure the swift and secure repatriation of our OFWs from the conflict areas,” sabi ng lider ng Kamara.

Ang kaguluhang sumiklab sa rehiyon kamakailan ay nagsimula sa pag-atake ng Hamas sa teritoryo ng Israel. Nagresulta ito sa pagkamatay ng marami at daang iba pa ang dinukot ng militanteng grupo. Nagdeklara na ang Israel ng all-out war laban sa Hamas.

Kasama sa nasawi ang tatlong Pilipino—ang 42-anyos na lalaki mula sa Pampanga na nahuli ng Hamas, ang 33-anyos na babae mula sa Pangasinan na namatay kasama ang kanyang employer.

At ang ikatlo ay 49-anyos na babae na taga-Negros Occidental na nasawi sa pag-atake ng Hamas sa isang music festival malapit sa Gaza-Israel border noong Oktobre 7. Ang tatlong biktima ay pawang mga caregiver.

Bukod sa tulong pinansyal, nangako rin si Speaker Romualdez na maghahanap ng paraan upang madagdagan ang kinikita ng pamilya ng mga nasawi at susuportahan ang pagbangon ng mga ito mula sa trahedya.

Leave a comment