American national hinarang sa NAIA

NI NERIO AGUAS

Nasabat ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang isang US national makaraang matuklasang nahatulan ito sa kasong sex crime sa nasabing bansa.

Kinilala ni Immigration Commissioner Norman Tansingco ang US national na si Todd Nolan Jones, 60-anyos, na naharang sa NAIA Terminal 1 noong Oktubre 11 mula sa bansang Taipei.

Nabatid na agad na pinabalik sa port of origin ang naturang dayuhan at awtomatikong inilagay sa blacklist order bilang undesirable aliens.

Sa record, si Jones ay registered sex offender, kung kaya’t pinagbawalan itong makapasok sa bansa na naaayon sa Philippine immigration act.

“It has been our standard to turn back these aliens with record of conviction for sex offenses. We are doing this to protect our women and children, any of whom could be their next victim,” ayon sa BI chief.

Idinagdag pa ng opisyal na ang pagiging sex offenders ng mga dayuhan ay laging may posibilidad na ulitin ang kanilang mga krimen sa kabila ng kanilang paghatol at service of sentence.

Ayon sa US government, si Jones ay nahatulan ng California court noong taong 2000 kaugnay ng tatlong kaso ng pangmomolestiya sa tatlong bata na may edad 13-anyos pababa.

Ipinaalam ng US sa BI ang tungkol sa kanyang nalalapit na pagdating sa Maynila halos ilang oras bago lumapag ang kanyang eroplano sa paliparan dahilan upang maglabas ng alert order ang BI na nagresulta ng pagkakasabat dito.

Leave a comment