
Ni NERIO AGUAS
Sinisiguro ng Bureau of Immigration (BI) na hindi titigil hangga’t hindi naipatatapon palabas ng bansa ang lahat ng dayuhang nagsasagawa ng illegal na operasyon sa bansa.
Ginawa ni BI Commissioner Norman Tansingco kasabay ng pagpapa-deport sa 36 pang Chinese nationals na sangkot at nahuli ng mga awtoridad sa scam hub sa Pasay City kamakailan.
Noong nakalipas na Agosto 13 nang ipa-deport ng BI sa tulong ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) ang nasabing mga Chinese nationals na sangkot sa online gaming.
Ang naturang mga dayuhan ay isinakay sa Royal Air flight patungong Nanning City, China kung saan ang gastos nito ay sinagot ng Chinese Embassy at kasunod nito ay inilagay sa blacklist order ang mga ito.
Magugunitang ang mga Chinese nationals ay hinuli ng PAOCC, at ng Department of Justice (DOJ), Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC), ng National Bureau of Investigation (NBI), ng Philippine National Police (PNP) at BI sa SKK building sa Pasay City.
Napag-alaman na ang mga dayuhan ay sangkot sa isang hub na nagsasagawa ng mga crypto scams.
Sinabi ni Tansingco na ang mga foreign nationals na umaabuso sa mabuting pakikitungo ng bansa at nagpapatakbo ng mga ilegal na kumpanya sa Pilipinas ay hindi tinatanggap sa bansa.
“We will not stop until all foreign nationals who conduct scamming activities here in the Philippines are arrested and deported,” aniya pa.
