
ISANG konsehal ng bayan sa Angat, Bulacan ang nahuli kasama ang 22 pang operators, cashiers at mananaya ng illegal na sabong online sa magkakasabay na pagsalakay na isinagawa ng National Bureau of Investigation noong nakalipas na MIyerkules ng gabi sa Oktubre 11, 2023.
Bukod sa bayan ng Angat, kabilang sa sinalakay ng mga acente ng NBI-National Capital Region (NBI-NCR) ang mga sabungan sa bayan ng Sta. Maria, Malolos at Balagtas, Bulacan.
Nasa loob mismo ng sabungan sa Angat ang naarestong konsehal na itago natin sa panglang Councilor Wowie. Itinanggi nito ang paratang at sinabing nangungupahan lamang sa kanyang sabungan ang kumpanyang nag-o-operate ng e-sabong.
Bilang isang konsehal ng bayan, alam dapat ni Konsehal Wowie ang Executive Order No. 9 na ipinalabas ng Pangulong Bongbong Marcos, Jr., na nagsasabing hindi pinahihintulutan ng kanyang administrasyon ang operasyon ng sabong on-line —may permit man ito o wala.
Ang pagsalakay ng NBI-NCR ay dalawang araw matapos namang magsagawa rin ng raid ang Marilao Police Station sa isa pang illegal na e-sabong sa New Marilao Coliseum.
Patunay na A1 information ang inilalabas nating artikulo tungkol sa talamak at lantarang sabong online sa lalawigan ng Bulacan na mistulang binabalewala ang EO No. 9 ni PBBM.
Tulad ng pagsaludo natin kay Marilao Police chief Lt. Col. Eduardo Guevarra, Jr., ay nagbibigay-pugay rin tayo sa grupo ng NBI-NCR na tumugon sa reklamo ng mga taga-Bulacan.
Sabi ko ‘nga, mabuti pa sina Col. Gueverra ng Marilao PNP at grupo nina NBI-NCR chief Rommel Vallejo, assistant regional director Atty. Joel Tovera at team leader Atty. Joseph Martinez ay marunong magmalasakit at marunong magpatupad sa EO No. 9 ni PBBM.
Pero ang buong Police Regional Office (PRO) 3 sa pamumuno ni Brig. Gen. Jun Hidalgo, gayundin lalo sa pamunuan ng Bulacan Police Provincial Office (BPPO) na nasa ilalim ng pamamahala ni Col. Relly Arnedo ay parang tutulug-tulog sila sa pansitan.
Ayaw kong paniwalaan ang umuugong na balita na P2.5 million weekly ang ‘tongpats’ na nakararating sa PRO3 at P1.5 million kada linggo naman ang napupunta sa BPPO.
Ito kasi ang laging ibinibida ng nagpapakilalang bagman na si J. Datu na ‘untouchable’ sa PRO3 at BPPO ang mga sabungan sa Bulacan dahil sa ibinibigay na weekly payola ng amo niyang si Dose.
Sabi ko ‘nga, dapat ang mga ganitong uri ng impormasyon ay nakararating kay Col. Jay Dimaandal na siyang intelligence chief ng buong Central Luzon PNP.
Ang tanong natin ngayon kina DILG Sec Benhur Abalos at PNP chief Benjamin Acorda, Jr., tuloy pa ba ang ‘One Strike Policy’ sa ating pambansang pulisya?
Kung tutuusin, ang nangyaring raid ng Marilao PNP at raid ng NBI-NCR sa mga bayan ng Angat, Balagtas, Sta. Maria at Malolos ay hindi lang ‘Strike One’ ang nangyari kundi ‘Strike Five’ na ito sa liderato nina Gen. Hidalgo at Col. Arnedo ng Bulacan PNP.
Bakit yata ‘exempted’ ang mga idol nating opisyal?
Ano nga ba ang dahilan, Séc. Benhur Abalos at Gen. Benjie Acorda?
Huwag po kayong mag-aala, mga mahal naming mambabasa, ang isyu po ng illegal na e-sabong ay hindi namin tatantanan!
‘Di ba J. Datu?
