DICT kinalampag sa hacking incident sa gov’t offices

Ni NOEL ABUEL

Kinalampag ni Senador Grace Poe ang Department of Information and Communication Technology at iba pang ahensya ng pamahalaan na kumilos bago pa tuluyang lumala at malumpo ang mga tanggapan ng pamahalaan dahil sa sunud-sunod na pagha-hack sa website ng ilang ahensya.

Ayon kay Poe, hindi lang mga mahahalagang government records ang nalalagay sa alanganin kundi maging ang mga sensitibong datos na nagkokomprimoso sa seguridad ng bansa.

Una nang nabiktima ang Philippine Health Insurance Commission at Philippine Statistics Authority (PSA) at pinakahuli ay ang website ng Mababang Kapulungan ng Kongreso.

Giit ng senador, dapat na pigilan na ng DICT at mga ahensya ng pamahalaan bago pa mas maraming website ang mabiktima ng hacking.

Aniya, ang data breaches ay naglalagay rin sa alanganin sa personal information ng publiko kung kaya’t dapat na magtulungan ang mga awtoridad na maglagay ng mas matibay na cyber security infrastructures upang mabantayan ang lahat ng public records.

“Hindi maaring business as usual at maghintay na lang sa susunod na biktima ng data breach kung kaya’t kailangan matigil na ang hacking at mapanagot ang mga salarin,” sabi pa ni Poe.

Leave a comment