British national hinarang sa NAIA

Ni NERIO AGUAS

Muling nagtagumpay ang Bureau of Immigration (BI) sa kampanya laban sa mga dayuhang dumarating sa bansa na nahatulan sa kasong child pornography.

Ayon sa BI, noong Oktubre 14, 2023 nang masabat sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 ang British national na si Anthony Collins, 42-anyos, makaraang lumapag sa sinakyan nitong eroplano mula sa bansang Kuwait.

Nabatid na sa Interpol’s national central bureau (NCB) sa Manila, si Collins ay nahatulan noong May 27, 2022 ng Manchester, England sa kasong voyeurism at indecent photographs ng dalawang 16-anyos na biktima.

Sinasabing inalerto ng Philippine Center for Transnational Crime ang BI hinggil sa nakatakdang pagdating sa bansa ni Collins kung saan agad na naglalabas si Commissioner Norman Tansingco ng lookout order.

Sa record ng BI mula Enero ngayong taon, si Collins ay kabilang na sa mahigit na 130 foreign sex offenders na nasabat at naharang ng ahensya at pinabalik sa kanilang port of origin.

Sinabi pa ni Tansingco na si Collins ay agad na inilagay sa BI blacklist ng mga undesirable aliens upang hindi na makabalik pa sa bansa.

Binalaan ni Tansingco ang mga dayuhan na iwasang bumiyahe sa Pilipinas dahil malaki ang posibilidad na hindi sila makalusot sa mga immigration officers sa mga paliparan.

“We have established a working arrangement with the different foreign missions in Manila who regularly provide us with the names of their nationals who have been convicted of sex crimes in their country,” sabi pa ng BI chief.

Leave a comment