BSWM-DA kinastigo ni Sen. Villar sa pagpilit na mag-import ng fertilizer

Ni NOEL ABUEL

Binatikos ni Senador Cynthia Villar ang Bureau of Soils and Water Management ng Department of Agriculture (BSWM-DA) sa pagpupumilit nito na mag-import ng chemical fertilizer na nagkakahalaga ng P10 bilyon.

Sinabi ni Villar, chairman ng Finance Subcommittee B na tumatalakay sa P167.458 bilyong budget ng DA at attached agencies nito, hindi nito nagustuhan at nagulat na ipinipilit ng BSWM na maglaan ng P10B para sa pagbili ng chemical fertilizer machine.

Giit ni Villar, kung gusto ng DA na gumamit ng chemical fertilizer machine ay ayusin na lamang ang nasirang chemical fertilizer machine nang manalasa ang bagyong Yolanda.

Paliwanag ng senador, pansamantalang solusyon lamang ang pag-import ng chemical fertilizer habang nagkukulang pa ang supply nito sa bansa maliban pa na may dala itong masamang epekto sa lupa na ngayon ay nasa 38 porisyento nang nasisira.

“Importation is only temporary. We use that to cover our shortage, but the permanent solution is to produce our own,” giit ni Villar

Aniya, ang permanenteng solusyon ay mag-produce ang bansa ng sariling fertilizer tulad na lamang sa Las Piñas, na mayroong 89 composting facilities mula sa nakokolektang kitchen at garden wastes para maging organic fertilizer.

Inihalimbawa pa nito na ang buwanang produksyon ng organic fertilizers ay nasa 89 na tonelada na ipinamahagi sa mga magsasaka at urban gardeners.

“Bakit tayo panay import, bakit hindi natin bilhin ang sarili nating gawa para nabibigyan ng trabaho ang kapwa natin Pilipino na naghihirap?, tanong ni Villar.

“Noong araw tayo ang pinasikat pero ngayong talung-talo na tayo, ‘yung nababasa kong mga news article talung-talo na tayo sa Vietnan, Thailand, Indonesia. Bakit bobo ba tayo na tatalunin tayo ng lahat o mahilig lang tayong mag-import?, pag-uusisa pa ni Villar.

Leave a comment