P80K cash at alahas ng Japanese national, ibinalik ng BI officer

Ni NERIO AGUAS

Pinarangalan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang tauhan nito makaraang maibalik ang malaking halaga at mga alahas na naiwan ng isang Japanese national sa Mactan-Cebu International Airport.

Kinilala ni BI Commissioner Norman Tansingco ang tauhan nitong si Lino Hijada, miyembro ng BI border control and intelligence unit (BCIU).

Nabatid na Agosto 19 nang maiulat na nakita ni Hijada ang isang unattended bag di kalayuan sa e-gates sa arrival area ng MCIA.

Agad na iniulat ni Hijada sa duty supervisor nito ang nakita nitong bag at mabilis na nakipag-ugnayan sa Air Asia ground staff upang malaman ang pagkakakilanlan ng may-ari ng bag.

Nang tingnan ang laman ng bag ay nakita ang P80,000 cash at ilang piraso ng alahas at mga gadgets.

Ilang oras ang lumipas ay dumating ang isang babaeng Japanese national na nagsabing naiwanan nito ang naturang bag nang sumailalim sa immigration proceedings nang dumating sa MCIA mula sa Japan.

Pinuri ni Tansingco si Hijada sa magandang pagpapakita ng professionalism ng mga tauhan ng BI.

“As government employees, we are expected to perform our duties with integrity and professionalism. We hope this serves as a good example to our personnel and remind them that the bureau is still made up with many good men and women who remain honest in their work,” sabi ni Tansingco.

Leave a comment