
Ni NERIO AGUAS
Nagbabala ang Bureau of Immigration (BI) sa mga papaalis na overseas Filipino workers (OFWs) na huwag maging biktima ng mga scammers na mangangako sa kanila ng mataas na suweldo sa trabaho sa ibang bansa bilang mga call center agents.
Inilabas ni BI Commissioner Norman Tansingco ang abiso nang makarating sa kaalaman nito ang sinapit na kalbaryo ng isang OFW na napauwi kamakailan mula sa Laos kung saan ito nagtrabaho sa isang “love scam” cybercrime syndicate nang hindi nababayaran.
“Beware of strangers who will approach you with offers of high paying jobs overseas. They will only make your lives miserable at the expense of your families who depend on you for financial support,” sa kalatas ni Tansingco.
Ang nasabing OFW ay pabalik na dapat sa Maynila mula sa Bahrain dalawang buwan na ang nakararaan matapos magtrabaho bilang isang lehitimong domestic household worker sa loob ng isang taon at walong buwan.
Gayunpaman, sa isang layover ng kanyang pabalik na flight sa Manila sa airport sa Dubai, iniulat na nilapitan ito ng isang lalaking estranghero na nag-alok sa kanya ng trabaho bilang isang call center agent sa Thailand na may buwanang suweldo na P50,000.
Dahil sa pangakong mataas na suweldo, tinanggap ng biktima ang alok ng di nakilalang indibiduwal at sumama sa huli sa paglipad patungong Bangkok sa halip na umuwi sa Pilipinas.
Pagdating sa Bangkok, ikinuwento ng biktima na inilipat ito sa lalawigan ng Chiang Rai, Thailand kung saan sumakay sila ng bangka patungo sa kalapit na Laos.
Pagkatapos ay nagtrabaho ito sa isang sindikato ng “love scam” sa loob ng dalawang buwan ngunit hindi ito binayaran ng kahit isang sentimo para sa kanyang mga serbisyo.
Ito ang nagtulak sa biktima na tumakas sa kanyang mga amo at humingi ng tulong sa embahada ng Pilipinas sa Vientianne.
Nauna nang naglabas ang BI ng ilang abiso na nagpapaalala sa mga Pilipino na huwag maging biktima ng mga sindikatong nagre-recruit ng mga aspiring overseas workers para magtrabaho sa mga pseudo-call centers, at mauwi lamang bilang mga scammers.
