
Ni NOEL ABUEL
Umapela si Senador Alan Peter Cayetano ang Food Terminal Inc. (FTI) na buhayin ang food processing and trading hub nito at maglagay ng mga katulad na food terminal sa buong bansa bilang pandagdag sa mga Kadiwa store ng kasalukuyang administrasyon.
“Ngayong binubuhay ng Marcos administration ang Kadiwa, a food terminal is a perfect companion,” pahayag ni Cayetano sa isinagawang pagdinig ng Senado sa panukalang 2024 budget ng Department of Agriculture (DA) nitong October 17.
Ang Kadiwa ay programa ng DA kung saan ang mga produkto ng mga magsasaka at kooperatiba ng mangingisda ay direktang dinadala ng gobyerno sa mga mamimili sa pamamagitan ng mga Kadiwa store.
“To be fair, napakaganda ng Kadiwa. Mura talaga at kumpleto from tilapia, bigas, and everything,” ani Cayetano.
Gayunpaman, giit ng senador, ang kadalasang operasyon ng Kadiwa Program ay sa “pop-up” lamang kaya hindi tuluy-tuloy ang pakinabang ng mga mamimili.
“The reality of Kadiwa is its ad-hoc, ‘yung pipili lang kayo ng lugar tapos doon pupuwesto. Hirap lahat kasi you do not have regular employees din na ‘yun lang ang ginagawa,” aniya.
“But if you do have food terminals all over the country, everyone can plan their purchase pati ‘yung small businessmen,” dagdag nito.
Nabatid na ang FTI ay itinatag noong 1970s upang patakbuhin ang pambansang food processing and distribution hub sa Taguig, kung saan ang mga mamimili at mangangalakal ay direktang nakakabili ng mga gulay, prutas, at karne mula sa mga magsasaka at mangingisda.
Ang mga magsasaka at mangingisda ay nakinabang din sa iba’t ibang pasilidad sa 120-ektaryang food terminal kabilang ang cold storage at slaughterhouse.
“When it was set-up in the ’70s, it was the European style of silos na kanya-kanyang benta ang farmers at nagagamit sila ng traders, eh you have a food terminal na pwede mong dalhin doon ang produce mo,” ani Cayetano.
Simula nang masuspende ang operasyon ng FTI noong unang 2000s, 75 ektarya nito ay pinaupahan na lamang.
“May plano ba tayo na buhayin o i-modernize ang konsepto ng FTI, at kung oo, ano ang gagawin natin sa pangunahing isa sa Taguig?” tanong ni Cayetano.
Tiniyak naman ni National Food Authority (NFA) Administrator Roderico Bioco, na makakarating sa FTI ang mga pahayag ng senador, at sinabing mag-uulat ang korporasyon tungkol sa usapin.
