Sen. Villar dismayado sa DENR sa mabagal na aksyon sa kaso ng SBSI

Ni NOEL ABUEL

Nagpahayag ng pagkadismaya si Senador Cynthia Villar sa mabagal na aksyon ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa pagpapaalis sa mga miyembro ng Socorro Bayanihan Services Inc. na illegal na umokupa sa lupang legislative protective areas sa Surigao del Norte.

Sa pagdinig ng Senate Finance Subcommittee B na tumalakay sa P24.572 bilyong pondo ng DENR at sa attached agency nito sa 2024, na pinamunuan ni Villar, hindi nito matanggap na nagdadalawang-isip pa ang DENR at ng inter-agency kung ano ang gagawin sa nasa 1,200 pamilya na miyembro ng SBSI na umokupa sa lupang protektado ng batas.

Una nito, iniulat ni Cristine Reyes, regional director ng Department of Human Settlement and Urban Development (DHSUD) Caraga na sa 18 lugar na tinukoy na maaaring maging housing project sa Surigao City ay tatlo ang residential area na maaaring itayo ang mga pabahay para sa mga apektadong pamilya ng SBSI.

Sinabi ni Villar na dapat ay kumilos ang DHSUD at DENR na itayo ang mga pabahay para mailipat sa lalong madaling panahon ang nasa 3,000 pamilya na nasa Bario Kapihan, Bgy. Socorro.

Ngunit sinabi ng DENR na hindi ito makakapadesisyon dahil sa may inter-agency na nag-aaral sa usapin ng mga SBSI at kung papayag ang mga ito na malipat ng lugar.

Hindi nagustuhan ni Villar ang pahayag ng DENR sa pagsasabing walang karapatan at hindi dapat tumanggi ang mga SBSI members sa housing project lalo na at ang pinagtayuan ng bahay ng mga ito ay legislative protective areas.

“They have no choice. Illegal sila doon, somebody should decide. Huwag iasa sa inter-agency, walang mangyayari diyan, you don’t give them a choice kasi illegal sila sa legislative protective areas,” sabi ni Villar.

Sinabi pa ni Villar na maaari namang itayo ang housing project at maaaring hulugan ng 20-taon para magkaroon ng sariling bahay ang mga apektadong pamilya.

Inihalimbawa pa ng senador ang Las Pinas-Paranaque wetland kung saan may 300 indibiduwal ang nanirahan dito kung saan agad na humingi ito ng tulong sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at agad na nilikas ang lugar.

Sa panig naman ni DENR Sec. Maria Antonia Yulo Loyzaga, sinabi nitong isa pang ipinag-aalala ng ahensya ang religious belief ng mga miyembro ng SBSI.

Tanong ni Villar kay Loyzaga kung naniniwala ito sa SBSI na tinaguriang kulto at hindi isang religious sector at sa halip ay sindikato.

Leave a comment