Speaker Romualdez personal na nakiramay sa pamilya ng caregiver na nasawi sa Israel

Si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez habang personal na iniaabot ang P500,000 financial assistance kina Lilina at Lourdenis Castelvi, magulang ng nasawing overseas Filipino worker na si Paul Vincent Manalad Castelvi na kabilang sa nasawi sa pag-atake ng armadong Hamas sa Israel.(Photo credit: Office of SDS Gonzales)

Ni NOEL ABUEL

Natanggap na ng pamilya ng tatlong overseas Filipino workers (OFWs) na kabilang sa nasawi sa patuloy na nangyayaring giyera sa pagitan ng Israel at ng teroristang Hamas.

Personal na dinalaw at nakiramay si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa pamilya ng caregiver na si Paul Castelvi at nag-abot din ng P500,000 cash assistance.

Samantala, mayroon ding mga tauhan ni Romualdez at ng Tingog party-list na dumalaw sa pamilya nina Loreta Alacre sa Negros Occidental at Angelyn Aguirre sa Pangasinan upang iabot ang tig-P500,000 na tulong sa pamilya ng mga ito.

Sina Alacre at Aguirre ay nasawi rin sa pag-take ng Hamas sa Israel.

Matapos makumpirma ang pagkamatay ng tatlong Pinoy sa Israel, inanunsyo ni Romualdez at Tingog party-list Rep. Yedda Marie K. Romualdez na magbibigay ang mga ito ng personal na tulong sa pamilya ng mga OFWs.

“No amount of assistance can truly compensate for your loss, but we hope this small gesture will help assuage your grief and alleviate some of the financial burdens you are facing during this difficult time,” sabi ni Romualdez sa pamilya Castelvi.

Si Romualdez, ang lider ng mahigit 300 miyembro ng Kamara, ay sinamahan nina Senior Deputy Speaker Aurelio Gonzales, Jr. at Pampanga Gov. Dennis Pineda sa pagdalaw nito sa pamilya Castelvi.

Sina Negros Occidental 2nd District Rep. Alfredo Marañon III at Cadiz City Mayor Salvador Escalante naman ang pumunta sa pamilya Alacre at si Rep. Ramon Guico, Jr. ng ikalimang distrito ng Pangasinan ang nagdala ng tulong sa pamilya ni Aguirre.

“We stand in solidarity with our fellow Filipinos who, in search of a brighter future, found themselves in the midst of a conflict not of their own making. We honor the memory of our brave OFWs who paid the ultimate price,” sabi nito.

Ang asawa ni Castelvi, 42, residente ng Purok 2, Juliana San Fernando, Pampanga, na si Jovelle ay nagtatrabaho rin bilang caregiver sa Israel. Siya ay buntis at inaasahang manganganak sa Nobyembre.

Ayon sa anak ng amo ni Paul na si Nadav Kipnis mabait ang nasawi sa kanyang mga magulang at naniniwala umano ito na prinotektahan ng OFW ang kanyang mga magulang mula sa militanteng Hamas.

Kinilala rin ng Israel ang 32-anyos na si Aguirre, na tubong Balagan, Binmaley, Pangasinan dahil hindi umano nito iniwan ang kanyang 70-anyos na amo kahit binigyan ng pagkakataon ng mga Hamas militant na umalis.

Si Alacre, 49, ay single at residente ng Sitio Camay-An, Brgy. Cadiz Viejo sa Cadiz City, Negros Occidental.

Sa isang Facebook post, sinabi ng amo ni Alacre na si Noam Solomon ang kanyang naging tagapag-alaga sa nakalipas na anim na taon.

Sinabi ni Speaker Romualdez na ang gobyerno ay palaging handang dumamay sa mga Pilipino lalo na sa panahon ng kagipitan at binigyan-diin ang kahalagahan na magsama-sama at suportahan ang mga Pilipino sa ibang bansa.

Tiniyak ni Romualdez na maiuuwi sa bansa ang labi ng mga nasawi gaya ng sinabi ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Nauna nang sinabi ni Marcos na hinihintay lamang ng gobyerno ang pagbubukas ng humanitarian corridor sa Rafah border upang mailikas ang mga Pilipino na naroroon.

Sinabi rin ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na naghahanap ito ng mga paraan upang maiuwi ang labi ng mga Pilipinong nasawi sa Israel.

Leave a comment