NIA officials sinermunan ni Senador Villar sa irrigation projects

Ni NOEL ABUEL

Nakatikim ng sermon ang mga opisyales ng National Irrigation Administration (NIA) kay Senador Cynthia Villar dahil sa kabiguan na maipaliwanag kung ano ang tunay na dahilan kung bakit hindi natatapos ang mga proyekto nito.

Sa pagdinig ng Senate Committe on Finance sa duminig sa 2024 budget ng NIA, hindi naitago ni Villar ang galit nang makita ang report nito na karamihan ng mga proyekto ng NIA ay wala pang natatapos o kung hindi man ay sinimulan pero hindi pa matapos.
“Ano bang klase ‘yan bakit limang taon na ang proyekto eh 5 percent pa lang ang nagagawa ninyo,” galit na pahayag ni Villar.

Sa galit ni Villar ay napatayo ito sa upuan habang sinesermunan si NIA Administrator Eduardo Guillen at iba pang opisyales ng NIA dahil sa nakita nitong report na karamihan ng mga proyektong sinimulan nito ay nasa 1% hanggang 5% pa lamang nagagawa.

Sinita rin ng senador ang NIA sa paggastos ng P2.5M kada taon para sa mga feasibility study na tinukoy ng ahensya na pag-aaksaya ng oras at pera ng taumbayan.

“Bakit kayo puro feasibility study, hindi n’yo naman trabaho ang feasibility study ang trabaho ninyo ay gumawa ng irrigation ilities, sayang ang pondo ng taumbayan,” giit ni Villar.

Suhestiyon ng senador na dapat nang itigil ng NIA ang mga proyektong matagal nang sinumulan ngunit 5 porsiyento pa lamang na natatapos ay gumastos ng malaking halaga.

Ilan sa tinukoy ni Villar ang mga proyekto sa Tarlac na Balog-balog, gayundin ang ilang proyekto sa Pangasinan, Bohol, North Cotabato, Ilocos Norte, Cagayan, Pampanga, Iloilo, at Capiz na nasa nasa 10% pa lamang natatapos.

“Ano bang kalokahan niyan, ,anong impact nyo sa tao, wala kayong nagagawa, ang dami-dami ninyong proyekto” galit na pahayag ni Villar.

Suhestiyon ni Villar na dapat na gawin ng NIA ay tapusin sa loob ng isang taon ang proyekto para sa Luzon, Visayas, at Mindanao para mas maraming magsasaka ang makinabang sa irigasyon.

Nagturuan naman ang si Guillen at ang Department of Budget and Management (DBM) kung bakit hindi natatapos ang proyekto ng NIA.

Sinabi ni Guillen na maliit na pondo lamang ang ibinibigay ng DBM para sa mga proyekto ng NIA ngunit tinugon ng kinatawan ng DBM na si Elena Regina Brillantes na binibigyan agad sa NIA ang pondo.

Leave a comment