Wanted na Israeli national arestado sa BI headquarters

Ni NERIO AGUAS

Hindi inakala ng isang Israeli national na ang pagtungo nito sa tanggapan ng Bureau of Immigration (BI) ay magreresulta para madakip at makulong.

Ayon kay BI Commissioner Norman Tansingco, base sa ulat ni BI tourist visa section (TVS) chief Raymond Remigio, kinilala ang nasabing dayuhan na si Amir Tesler, 49-anyos.

Nabatid na ang pagkakaaresto kay Tesler ay nangyari noong Oktubre 18 sa mismong tanggapan ng BI sa Intramuros, Manila nang tangkaing palawigin ang visa permit nito.

Sa record ng BI, dumating ito sa bansa noong nakalipas na buwan ng Agosto at tinangka nitong palawigin ng 59 araw ang pananatili sa bansa.

Nang iproseso ang aplikasyon nito ni immigration officer Philip Reyes, nakita na si Tesler ay may active derogatory record.

Sa pagbeberipika, natuklasan na si Tesler ay may standing warrant of arrest na inilabas ng Regional Trial Court, National Capital Region Branch 109 sa Pasay City noong Setyembre 2021 sa kasong paglabag sa Anti-Violence Against Women and their Children Act o Republic Act 9262.

Dahil dito agad na dinakip si Tesler at ibinigay sa Philippine National Police (PNP) na nag-implementa ng arrest warrant.

Leave a comment