4 Chinese nationals, 1 Taiwanese arestado ng BI sa Palawan

Ni NERIO AGUAS

Bumagsak sa kamay ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang limang dayuhan na pinaniniwalang miyembro ng Chinese syndicate sa magkakahiwalay na operasyon sa Palawan.

Sa ulat ni BI intelligence division (ID) Fortunato Manahan, Jr. kay BI Commissioner Norman Tansingco, inaresto ang nasabing mga foreign nationals sa Taytay, Puerto Princesa, at El Nido.

Nabatid na isinagawa ng BI ang operasyon sa tulong ng mga government intelligence units, ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at National Bureau of Investigation (NBI) laban sa limang dayuhan dahil sa illegal na nagtatrabaho ang mga ito nang walang kaukulang dokumento.

Sa datos, unang nadakip sa Brgy. Bucana sa El Nido ang dalawang Chinese nationals na sina Lin Yongzhen, 45-anyos, at Zhang Haicong, 49-anyos, na nagtatrabaho bilang construction workers sa nasabing lugar.

Si Lin ay nakuhanan ng 9(g) working visa sa ilalim ng iba’t ibang kumpanya habang si Zhang ay nagtrabaho sa gamit ang tourist visa.

Sumunod namang naaresto sa Brgy. Liminangcong sa Taytay, Palawan ang isa pang Chinese national na si Zhang Haicong, 33-anyos, at Taiwanese national na si Lin Tsung-Te, 58-anyos.

Si Zhang ay mayroon ding working visa ngunit nagtatrabaho sa ibang lugar habang nabigo naman si Lin na maipakita ang kanyang pasaporte, ngunit napag-alamang overstaying na ito mula noong 2016.

Napag-alaman din na si Zhang ay nagpakilalang isang Pilipino at nagpakita pa ng Philippine license na nagpapahiwatig ng kanyang nasyonalidad.

Samantala ang isa pang dayuhan na naaresto sa Brgy. Tagburos, Puerto Princesa ay isa pang Chinese national na si Zhang Jinfei, 47-anyos.

Napag-alaman na nagtatrabaho ito sa lugar sa kabila ng pagkakaroon ng working visa sa ibang lokasyon na paglabag sa immigration rules.

Maliban dito, ay nagpakita rin ito ng drivers license na nagpapakita na isa itong mamamayang Pilipino.

Ang lahat ng 5 dayuhan ay natagpuang nagtatrabaho sa mga pangisdaan malapit sa mga base ng hukbong-dagat at iniulat na nauugnay sa isang organisadong grupo ng krimeng Tsino na nakabase sa Palawan na sangkot sa mga ilegal na aktibidad, kabilang ang wildlife trade, at pagtulong sa iba pang Chinese nationals na iligal na makapasok sa bansa.

Gayundin sangkot din ang mga ito sa pagsasaayos ng papeles ng mga hindi dokumentadong Chinese nationals at sa mga nakakulong na mga undocumented Chinese nationals, land acquisition sa pamamagitan ng mga Filipino proxy, at paglabag sa batas sa pagkakaroon ng Philippine identification documents.

Kasalukuyang nakadetine sa BI jail facility sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City ang mga dayuhan habang inihahanda ang papeles para ipatapon ang mga ito sa kanilang mga bansa.

Leave a comment