
Ni MJ SULLIVAN
Niyanig na malakas na paglindol ang ilang lalawigan sa Mindanao region ngayong araw, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Ayon sa datos ng Phivolcs, ganap na alas-2:58 ng madaling-araw nang tumama ang magnitude 5.9 na lindol na naitala sa richer scale.
Nakita ang sentro ng lindol sa layong 035 km timog silangan ng New Bataan, Davao De Oro at may lalim na 013 km at tectonic ang origin.
Dahil sa lakas ng lindol, naitala ang intensity V sa Caraga, Davao Oriental; New Bataan, Maragusan, at Pantukan, Davao de Oro habang intensity IV naman sa Nabunturan, Compostela, Monkayo, Mawab, Montevista, Laak, Mabini, at Maco, Davao de Oro.
Naitala rin ang intensity III sa lungsod ng Davao; lungsod ng Tagum, Davao del Norte at intensity I sa lungsdo ng Bislig at Tandag, sa Surigao del Sur.
Sa instrumental intensities naitala ang intensity IV sa Nabunturan, Davao de Oro at intensity III sa Malungon, Sarangani; intensity II sa Magpet, Alamada, Cotabato; syudad ng Davao; Matanao, Davao del Sur; Don Marcelino, Davao Occidental; syudad ng Koronadal, Tupi, at Tampakan, South Cotabato.
Habang intensity I naman sa Malaybalay, Bukidnon; M’lang at syudad ng Kidapawan, Cotabato; sudad ng Gingoog, Misamis Oriental; Malapatan at Kiamba, Sarangani; Polomolok, South Cotabato; syudad ng General Santos.
Nakapagtala rin ng mahigit sa 20 aftershocks sa Davao de Oro kung saan inaalam kung may nasirang mga gusali at bahay sa nasabing mga paglindol.
Samantala, ganap namang alas-3:36 ng madaling-araw nang yanigin din ng malakas na paglindol ang Negros Occidental.
Magnitude 4.7 na lindol ang naitala sa layong 022 km timog kanluran ng syudad ng Sipalay, Negros Occidental na may lalim na 028 km at tectonic ang origin.
Naitala sa instrumental intensities ang intensity IV – syudad ng Sipalay, Negros Occidental.
Ganap namang alas-9:24 ng umaga nang yanigin din ng magnitude 4.1 na lindol ang Cagwait, Surigao del Sur.
