Speaker Romualdez: $4.26B investment deal mula sa Saudi madaragdagan pa

Si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Speaker Ferdinand Martin Romualdez kasama si Department of Trade and Industry Sec. Alfredo Pascual na naging saksi sa nilagdaang investment agreement sa Saudi firms na Al Rushaid Petroleum Investment Company and Samsung Engineering NEC Co. Ltd at Filipino firm na EEI Corporation sa St. Regis Hotel sa Riyadh, Kingdom of Saudi Arabia.

Ni NOEL ABUEL

Kumpiyansa si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez na madaragdagan pa US$4.26 bilyong halaga ng pamumuhunan na makukuha ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa pagbisita ito sa Saudi Arabia.

Ayon kay Romualdez ang madaragdag na papasok na pamumuhunan sa bansa ay mangangahulugan na mas darami rin ang mapapasukang trabaho ng mga Pilipino.

“Our distinguished friends from Saudi Arabia expressed a strong interest in exploring various investment opportunities in our country. Their willingness to consider the Philippines as a destination for their investments speaks volumes about the potential and attractiveness of our nation as an investment hub,” sabi nito.

“I believe that the strategic partnership that is emerging from this meeting will open doors to new ventures, create job opportunities for our people, and further enhance our economic growth,” dagdag pa ni Romualdez.

Sinasabing ang nasungkit na $4.26 bilyong halaga ng investment mula sa mga kasunduang pinasok ng mga kumpanya na nakabase sa Saudi at Pilipinas ay inaasahan na makalilikha ng mahigit 15,000 trabaho para sa mga Pilipino.

Nasaksihan ni Marcos at Romualdez ang paglagda sa apat na kasunduan sa St. Regis Hotel sa Riyadh.

Ayon sa Minister of Investments ng Saudi Arabia na si Khalid A. Al-Falih maraming negosyante sa kanilang bansa ang interesado na mamuhunan sa Pilipinas.

Isa umano sa pinag-aaralan ng mga ito ang Maharlika Investment Fund gayundin ang pagpasok sa sektor ng enerhiya at kemikal, logistics, turismo, real estate, at agrikultura.

Sinabi ni Al-Falih na maraming oportunidad para mapalalim ang ugnayan ng Saudi at Pilipinas at sinabi na mayroong plano ang KSA na mamuhunan ng mahigit US$122 bilyon hanggang sa pagtatapos ng dekada sa sektor ng aviation, railway, port, maritime services, logistics hub, at iba pa.

Interesado rin umano ang Saudi na mamuhunan sa sektor ng agrikultura sa Pilipinas upang dumami ang suplay ng pagkain, food processing, at manufacturing.

Bukod sa mabilis na pag-unlad ng ekonomiya, kinilala ng Saudi Minister ang husay ang mga manggagawang Pilipino.

Sinabi naman ni Romualdez, lider ng mahigit 300 kongresista, na nais ng administrasyong Marcos na magkaroon ang Pilipinas ng business-friendly environment, at pabilisin ang proseso ng pagnenegosyo sa bansa.

“As Speaker of the House of Representatives, I am confident that our legislative body will work closely with the Executive branch to implement policies and enact laws that will support and facilitate these investments,” sabi ni Romualdez.

Sa kanyang keynote address, binanggit ni Pangulong Marcos ang malakas na ekonomiya ng Pilipinas na nakapagtala ng 7.6% gross domestic product noong 2022, ang pinakamabilis mula noong 1976.

Dahil sa magandang katayuang pinansyal at banking sector ng Pilipinas, sinabi ng Pangulo na patuloy itong nakatatanggap ng positibong credit rating.

Ipinunto rin ni Romualdez na nasimulan na ang pag-amiyenda sa mga batas upang mas mabuksan ang ekonomiya sa pamumuhunan ng mga dayuhan.

Kabilang dito ang Foreign Investments Act, Retail Trade Liberalization Act, Public Services Act, at Renewable Energy (RE) Act.

Sinabi ni Romualdez sa mga mamumuhunan sa Saudi na mabibigyan ng tax incentive ang mga ito sa ilalim ng Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises (CREATE) Act.

Kasama sa roundtable meeting ang Public Investment Fund (PIF) ng KSA. Ito ang ika-anim na pinakamalaking sovereign wealth fund (SWF) na mundo na mayroong US$607.42 bilyong halaga ng asset.

Sa kasalukuyan, ang PIF ay mayroong 71 kompanya sa iba’t ibang sektor na lumikha ng mahigit 500,000 trabaho.

Naroon din ang kinatawan ng Saudi Arabian Oil Group (ARAMCO), isa sa pinakamalaking integrated energy and chemicals company; National Shipping Company of Saudi Arabia (Bahri); Saudi Agricultural and Livestock Investment Co. (SALIC), at Alrajhi Bank and Saudi National Bank (Al Ahli).

Leave a comment