
Ni NERIO AGUAS
Dalawang US nationals ang pinigilang makapasok ng bansa ng Bureau of Immigration (BI) na pawang convicted sa kasong child abuse at kidnapping sa kanilang bansa.
Kinilala ni Immigration Commissioner Norman Tansingco ang nasabing mga dayuhan na sina Eric Blair Smith, 57-anyos at Marlon Buniel, 57-anyos, na pawang agad na pinatapon pabalik ng pinanggalingan ng mga ito.
Nabatid na si Smith, ay dumating sa NAIA Terminal 1 noong nakalipas na Oktubre 19 sakay ng Philippine Airlines (PAL) flight mula Los Angeles, California.
Ayon kay Tansingco, si Smith ay isang registered sex offender (RSO) sa California kung saan nahatulan ito sa kasong sexual offenses sa magkakahiwalay na okasyon noong 1986 at 2013.
Sinasabing ipinarating ng US authorities ang pagdating sa bansa ni Smith kung kaya’t agad na binantayan ng BI ang pagdating nito sa bansa at agad na inaresto.
Samantala, si Buniel ay dumating sa bansa noong Oktubre 20 sakay ng PAL flight mula Honolulu at agad na hinarang ng BI dahil sa isa itong RSO.
Sa record, si Buniel ay nahatulang mabilanggo dahil sa kasong sexual assault in the fourth degree at kasong kidnapping sa Hawaii noong 2012.
Sinabi ng BI chief na sina Smith at Buniel ay inilagay sa immigration blacklist ng mga undesirable aliens, na awtomatikong hindi na papayagang makapasok ito sa bansa.
