Bakit undocumented entry lang ang ikinaso?

VIRAL ngayon sa social media ang ginawang pag-aresto sa dalawang Indonesian nationals na nahuling nagtangkang ipasok ang 600 master case o kahon ng sigarilyo na nagkakahalaga ng P30 million sa Saranggani province.
Ang mga suspek na sina Fadli Machmud at Pajar Antarani ay naaresto ng mga operatiba ng Philippine Navy at Philippine Coast Guard habang naglalayag sa isla ng Saranggani province noong October 17 at kata-takang hindi lumabas sa media.
Naging kahina-hinala ang isinampang kaso laban sa kanila dahil sa halip na ‘economic sabotage,’ kinasuhan lamang sila ng ‘illegal entry’ at ‘undocumented alien.’ Kitang-kita ito sa kumalat nilang mugshot sa social media.
Wala ring malinaw na detalye kung nasaan na ang mga nasamsam na imported na sigarilyo mula sa bansang Indonesia na P30 milyon ang halaga.
Bukod sa mga mugshots, kitang-kita rin ang larawan ng mga kahun-kahong sigarilyo na narekober ng mga awtoridad.
Marami ang naghihinala kung tunay bang nai-turn over sa Bureau of Immigration sa Mindanao ang mga arestadong suspect, bagay na dapat paimbestigahan ni DOJ Secretary Boying Remulla.
Maging sa bansang Indonesia ay pinag-uusapan na rin ang pagkakaresto sa dalawang suspect dahil isang nagngangalang Cie Una na umano’y ‘financier’ ng dalawa ang nagyayabang sa kanilang bansa sa pagsasabing ang mga awtoridad sa Pilipinas ay madaling bayaran para maayos ang isinampang kaso sa mga suspects.
Katunayan, sa post ng MikeMediaIndonesia.com, isang website sa Indonesia, itinanggi ni Cie Una ang sinasabing pahayag patungkol sa mga bayarang government authorities sa Pilipinas.
May kumalat ding larawan ni Cie Una, kasama ang ilang awtoridad sa Saranggani province.
Bukod sa ‘panlalait’ sa mga awtoridad sa Pilipinas, ipinagmamalaki rin umano ni Cie Una na marami siyang kaibigang opisyal mula sa local government unit (LGUs) sa Saranggani, South Cotabato at General Santos City.
Maliban sa ‘Smuggling Queen’ ng Indonesia na si Cie Una, isang Indonesian national na may alyas Pardillo rin ang pasimuno ng smuggling activities sa Mindanao.
Ayon sa impormante, ang pagkakahuli sa P30 million na halaga ng smuggled na sigarilyo ay ‘decoy’ lamang upang palusutin naman ang may 2,000 hanggang 2,500 master cases ng imported na yosi.
Kung ang narekober na 600 master cases ng yosi ay nagkakahalaga ng P30 million na, tumataginting na P125 million naman ang lahat ng 2,500 na master cases ng sigarilyo ang posible na ring pinalulusot sa bansa.
Kung matatandaan, June 2023 nang maglabasan naman ang ulat na ilang shabu na nasa Pilipinas ngayon ay ‘Made in Indonesia.’
Naipapasok umano ito sa pamamagitan sa mga pantalan sa Mindanao at nakaipit sa mga kahun-kahong smuggled na sigarilyo.
Ilan sa mga brand ng sigarilyo na pinalulusot sa Saranggani, Cotabato at General Santos City ay Guading Baru, Gajah Baru, Surya Baru, Gudang Garam at Gadang Baru.
May mga peke namang branded cigarettes tulad ng Marlboro, Philip Morris at Winston.
Simula nang umupo ang BBM administration, naging sentro na ng smuggling ng sigarilyo ang tatlong probinsiyang nabanggit na binibigyang basbas daw ng mga opisyales sa BI, Philippine Navy, Philippine Coast Guard, Bureau of Customs at mga LGU officials.
Bukod sa talamak na pagpasok ng droga at smuggled na sigarilyo, pinangangambahang mapasok muli ang Pilipinas ng mga teroristang Jemaah Islamiya na nakabase sa Indonesia.
****
Para sa anumang reaksyon, suhestiyon at sumbong, tumawag o mag-text sa cell phone no. 09157412674.
