Early voting sa mga senior at PWDs iginiit ng senador

Ni NOEL ABUEL

Muling binuhay ni Senador Manuel Lito Lapid ang panukalang magbibigay ng karapatan sa maagang pagboto sa lahat ng kuwalipikadong senior citizens (SCs) at persons with disabilities (PWDs) sa panahon ng local and national elections.

Sa paghain ng Senate Bill No. (SBN) 2361, sinabi ni Lapid na dapat bigyan ng pagkakataon ang nasabing sector na bumoto sa loob ng pitong araw sa accessible establishments na tutukuyin ng Commission on Elections (Comelec), bago ang nakatakdang lokal at pambansang halalan.

“Eleksyon na naman po sa Oktubre 30. Ako po ang nahihirapan na makita ang ating mga lolo at lola, kasama na ang mga may kapansanan, na nakikipaggitgitan sa pilahan upang magamit lamang ang kanyang karapatang bumoto,” sabi ni Lapid.

Aniya, base sa 2021 data ng Philippine Statistics Authority, tinatayang nasa 2,754,813 kababaihan at 3,635,271 kalalakihan na may edad 65 pataas sa buong bansa.

“Hindi dapat ma-disenfranchise o hindi makaboto ang nasa milyun-milyon nating senior citizens at PWDs sa mga susunod na eleksyon. Umaasa ako na maipapasa ang panukalang ito bago pa sumapit ang 2025 elections,” dagdag pa ng senador.

Sinabi pa ni Lapid na ang karapatang bumoto ng mga senior citizens at PWDs ay pundasyon ng demokratikong lipunan.

“Sa Pilipinas, senior citizens at PWDs ay malaking bahagi ng ating populasyon na nararapat talagang mabigyan ng espesyal na pagtingin o atensyon sa pamamagitan ng garantiyang sila ay makaboto,” pahayag pa ni Lapid.

Dinagdag pa ng senador na may limitasyong pisikal at medikal ang mga senior citizens at PWDs na kung saan nahihirapan ang mga itong makaboto dahil kasabay nila ang lahat ng mga botante sa panahon ng eleksyon sa kani-kanilang presinto.

“Sa pamamagitan ng hiwalay na araw bago ang aktwal na botohan, mabibigyan natin sila ng sapat na pagkalinga at panahon para makaboto. Maiiwasan din ang mahabang pila, siksikan at init sa presinto na delikado sa ating mga lolo, lola at PWDs,” paliwanag pa ng 68 anyos na senador.

Nauna na ring nagsumite ng kahalintulad na panukalang batas si Senador Cynthia Villar.

Leave a comment