
Ni NERIO AGUAS
Nadakip ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang dalawang pugante na wanted sa South Korea at United States dahil sa kanilang pagkakasangkot sa mga illegal na gawain.
Kinumpirma ni Immigration Commissioner Norman Tansingco na sina Kwon Junyoung, 38-anyos, at Seok Jongmin, 48-anyos, ay naaresto noong nakalipas na Sabado sa Bgy. Cuayan, Angeles City, Pampanga ng mga operatiba mula sa fugitive search unit (FSU) ng BI.
Isinagawa ang operasyon sa pakikipagtulungan ng Korean authorities, government intelligence groups, at ng Angeles City Police Station.
Sinabi ni Tansingco na si Kwon ay wanted sa kasong telecommunications fraud sa South Korea habang si Seok ay wanted sa Texas sa kasong wire fraud, money laundering at identity theft.
“They will soon be deported to Korea and the US as a summary deportation orders were already against them by the BI board of commissioners,” sabi ni Tansingco.
Inilagay rin sa blacklist ng bureau ang dalawang dayuhan at awtomatikong hindi na makakabasok sa Pilipinas.
Base sa impormasyon na nanggaling sa national central bureau (NCB) ng Interpol Manila, natuklasan na si Kwon ay may arrest warrant na inilabas ng Suwon district court sa Korea noong Disyembre 12, 2019.
Inakusahan ng prosekusyon si Kwon na miyembro ng telecom fraud syndicate na nakabase sa Dalian, China na nambibiktima sa pamamagitan ng voice phishing.
Ang mga biktima ay iniulat na nakaranas ng harassment at niloko sa pagdeposito ng kanilang pera sa mga account ng sindikato habang ang mga tumatawag ay nagpanggap na mga imbestigador ng Seoul central prosecutor’s office.
Sa kabilang banda, isiniwalat ng NCB na si Seok ay may warrant of arrest na inisyu ng US district court sa Western Texas kung saan ito ay kinasuhan ng conspiracy to commit wire fraud, tatlong counts ng wire fraud, conspiracy to commit money laundering at tatlong counts ng aggravated identity theft.
Nakipagsabwatan umano si Seok sa iba pang mga suspek sa paggamit ng ninakaw na personal identifiable information (PII) ng libu-libong US military veterans para ma-access ang mga websites ng US Departments of Defense and Veterans Affairs na naging sanhi ng pagkawala ng mga benepisyo ng mga biktima.
Ayon sa FSU, si Seok ay inaresto matapos maglagak ng piyansa sa Angeles City regional trial court kung saan ito kinasuhan ng robbery extortion at agad na dinala sa BI jail facility sa Bicutan, Taguig.
Habang si Kwon ay mananatiling nasa kostudiya ng Angeles City police habang dinidinig ang local case nito.
