200k trabaho pasalubong ni PBBM mula sa Saudi

Ni NOEL ABUEL

Magandang balita ang pasalubong ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. mula sa bansang Saudi Arabia para sa mga Filipino.

Dala ng Pangulo na mabigyan ng oportunidad na makapagtrabaho sa Saudi Arabia ang may 200,000 manggagawang Pilipino.

Ito ang sinabi ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez matapos na malagdaan ang apat na kasunduan sa pagitan ng mga kumpanya na nakabase sa Pilipinas at Saudi na magbibigay ng oportunidad sa libu-libong manggagawa para makapagtrabaho at punan ang demand sa Saudi sa Saudi Vision 2030.

“The successful visit of President Marcos to Saudi is a solid testament to the dedication of his administration in ensuring the well-being and improving the lot of Filipino workers, through enhancement of the long-standing friendship and diplomatic ties between the two nations,” sabi ni Romualdez.

“This visit reaffirms the commitment of our government to support and protect the rights and welfare of our overseas Filipino workers (OFWs), who have played a pivotal role in enhancing the lives of their families and the entire nation,” dagdag pa nito.

Sabi pa ni Romualdez, na lider ng 300 mambabatas ng Kamara de Representantes, sinabi ni Pangulong Marcos sa Filipino community sa Saudi Arabia na nagkaroon ng high-level discussion ang pamahalaan kasama ang mga opisyal ng Saudi patungkol sa seguridad sa trabaho at pagsiguro sa kaligtasan at pagkakaroon ng maayos na working condition ng mga OFWs sa KSA.

“At ‘yan po ang naging bahagi sa ating pagpunta rito ay para kausapin ulit ang ating mga kaibigan dito sa Saudi Arabia. At hindi lamang sa Saudi Arabia, kung hindi dito sa Middle East upang tiyakin na ang kalagayan naman ng ating mga mamamayan, ng ating mga Pilipino ay nasa mabuti. At kung may problema man ay pinag-usapan natin at kaya po nating ayusin,” sabi ng Pangulong Marcos Jr.

Sa apat na kasunduan, ang pinakamalaki sa naturang kasunduan ay ang US $3.765 bilyon sa pagitan ng Al-Jeer Human Resources Company (ARCO) at Association of Philippine Licensed Agencies for the Kingdom of Saudi Arabia para sa human resource services.

Inaasahang magreresulta ito sa 200,000 na trabaho para punan ang pangangailangan sa KSA salig sa kanilang Vision 2030.

Nilagdaan din ang kasunduan sa pagitan ng Al Rushaid Petroleum Investment Company & Samsung Engineering NEC Co. Ltd., at ang Filipino firm na EEI Corporation na nagkakahalaga ng US $120 milyon para sa pagtatayo ng isang 500-person training facility sa Tanza, Cavite.

Layon nito na linangin ang kasanayan ng mga Pilipino sa masonry, carpentry, electrical, welding, equipment management, warehousing, steel fabrication, at iba pang kakayanan sa konstruksyon kung saan sasanayin ang paunang 2,000 indibidwal sa 2024 at kabuuang 15,000 sa susunod na limang taon.

Dalawang kasunduan din ang nilagdaan sa pagitan ng Maharah Human Resources Company ng Saudi at kumpanyang Staffhouse International Resources Corporation sa Pilipinas at E-GMP International Corporation, na kapwa nagkakahalaga ng US $191 milyon.

Kapwa magbubukas naman ito ng trabaho sa may 10,000 Pilipinong manggagawa kada taon hanggang 2030.

Leave a comment