Bagong minimum wage orders inilabas sa Ilocos at Western Visayas regions

NI NERIO AGUAS

Aabot sa kabuuang 287,683 minimum wage earners sa pribadong sektor sa Ilocos at Western Visayas Regions ang inaasahang magiging benepisyaryo mula sa bagong dagdag sahod na inaprubahan ng National Wages and Productivity Commission (NWPC).

Isinumite ang wage orders ng Regional Tripartite Wages and Productivity Boards (RTWPBs) na may petsang October 19, 2023 para sa mga lalawigan sa Regions 1 at 6.

Sinasabing 677,626 full-time wage at salary workers na kumikita ng above minimum wage ay maaari ring

hindi direktang makinabang mula sa upward adjustment sa enterprise level na nagmumula sa mga pagwawasto ng pagbaluktot sa sahod.

Naglabas din ang RTWPBs 1 at 6 ng wage orders para sa mga kasambahays kung saan ang bagong wage increases ay pakikinabangan ng nasa 259,820 domestic workers o 23% (58,517) ay live-in arrangements, at 77% (201,303) ay live-out.

Sa kasalukuyan, 8 RTWPBs ang nakapagpalabas na ng kani-kanilang wage orders kabilang ang tatlong isinagawa sa pamamagitan ng motu proprio.

Sa RTWPB I (Ilocos Region) na motu proprio, inilabas ang Wage Order No. RB 1-22 noong Oktubre 10 2023, na nagsasabing magkakaroon ng P30-P35 dagdag sa daily minimum wage sa rehiyon o katumbas ng P435 para sa non-agricultural establishments na may 10 o higit pang manggagawa at P402 para naman sa non-agricultural establishments na mayroong mababa sa 10 manggagawa at mga agricultural workers.

Naglabas din ang RTWPB I  ng dagdag sahod sa mga domestic workers sa ilalim ng Wage Order No. RB 1-DW-04 na nagbibigay ng buwanang dagdag na P500 na awtomatikong ang buwanang wage rate ay magiging P5,500.

Habang sa RTWPB  VI (Western Visayas), sa Wage Order No. RBVI-27 noong Oktubre 16, 2023, nagkakaloob ng P30 minimum wage increase sa lahat ng sektor kung saan ang magiging arawang minimum wage rates sa rehiyon ay magiging P480 para sa non-agriculture establishments na may mahigit sa 10 manggagawa, P450 para sa non-agriculture establishments na may 10 manggagawa o mababa pa dito at P440 para sa mga manggagawa sa agrikultura.

Naglabas din ang Regional Board ng Wage Order No. RB VI-DW-05, na nagbibigay ng buwanang dagdag na P500 sa suweldo ng mga kasambahay sa rehiyon o awtomatikong P5,000.

Magiging epektibo ang wage orders 15 araw matapos ilathala sa pahayagan sa Oktubre 31, 2023.

Leave a comment