Pagtaas ng kaso ng pagpapatiwakal sa paaralan ikinabahala ni Senador Mark Villar

Ni NOEL ABUEL

Nagpahayag ng pagkabahala si Senador Mark Villar sa dumaraming kaso ng pagpapatiwakal sa mga nakababatang populasyon

Aniya, sa pinakahuling datos ng Department of Education (DepEd), 404 na estudyante ang namatay dahil sa pagpapatiwakal noong academic year 2021-2022 habang 2,147 na estudyante ang iniulat na nagtangkang kitilin ang kanilang buhay sa parehong panahon.

“Nakakabahala po ang mga kaso ng suicide sa ating mga kabataan recently. The increasing number of suicide and suicide attempts among Filipino youth merits our intervention as we recognize that the challenges and mental health concerns of our youth brought about by the pandemic has been heightened by the rapid changes of the post-pandemic world to which they are expected to adapt,” paliwanag ni Villar.

Alinsunod nito, inihain ni Villar ang Senate Bill No. 1669, o ang Act to Provide Early Youth Suicide Intervention and Prevention Expansion sa pag-asang ma-institutionalize ang suicide intervention sa buong bansa sa pamamagitan ng pagbabalangkas ng edukasyon sa pagpaplano ng buhay para sa mga kabataang Pilipino.

Ang panukalang batas ay naglalayong magbigay ng kinakailangang pagsasanay at kamalayan sa mga kinauukulang stakeholders sa loob ng paaralan.

Ipatutupad din nito ang pagtatrabaho ng mga psychologist sa bawat paaralan upang magbigay ng maagang interbensyon sa mga kabataan na nasa paaralan.

“Kailangan po nating matutukan ang kalagayan ng mental health ng ating mga kabataan, lalo na ngayon na dumarami ang kaso ng mga estudyante who are committing suicide. Through this bill, we are going to provide our youth with the necessary intervening methods like counseling and mental health improvement sessions that will help them,” sabi pa ng senador.

Binigyan-diin ni Villar ang kagyat na pangangailangang maipasa ang panukalang batas kung saan kamakailan ay isang 7th-grade high school student mula sa Rizal Technological University ang binawian ng buhay sa pamamagitan ng pagtalon sa isang gusali ng paaralan.

Bagama’t nananatiling lihim sa publiko ang opisyal na dahilan ng insidente, ito ang pangalawang kaso nitong mga nakaraang taon kung saan nagpakamatay rin ang isang estudyante mula sa nasabing unibersidad, at ang isa ay freshman sa kolehiyo na tumalon mula sa mas mataas na palapag ng mall noong 2016.

“Ako po ay lubos na nakikiramay sa pamilya at mga kaibigan ni Yuwan. His case touches my heart gravely as a father to my own child who is almost at the same age as him. Bilang senador, I am going to do my best to pass this youth suicide prevention bill so we can help our youth deal with their mental health concerns and prevent further cases of suicide that will claim more young lives,” pahayag ni Villar.

Leave a comment