BI may bagong tanggapan sa Cabanatuan City

Ni NERIO AGUAS

Pinasinayaan ng Bureau of Immigration (BI) ang bagong tanggapan nito na matatagpuan sa Cabanatuan City, Nueva Ecija.

Ayon kay BI Commissioner Norman Tansingco, ang nasabing bagong opisina ay bahagi ng programa ng ahensya na ilapit sa publiko ang serbisyo ng BI.

Nabatid na ang nasabing BI office ay matatagpuan sa 2nd Floor ng Robinsons Townville Cabanatuan, sa kahabaan ng Maharlika Highway, sa Cabanatuan City, Nueva Ecija.

Sinasabing dating nasa Palayan City, Nueva Ecija ang tanggapan ng BI bago inilipat sa Cabanatuan City.

“The strategic relocation aims to improve accessibility and convenience for the local community. Our field office will cater to immigration needs in the area,” sabi ng BI chief.

Sinabi pa ni Tansingco na bago matapos ang taon ay magbubukas pa ng karagdagang opisina ang BI sa ibang bahagi ng bansa.

Idinagdag nito na ang hakbang ay alinsunod sa hangarin ng kanyang administrasyon na buksan ang mga opisina ng BI sa mga mall para sa kaginhawahan ng publiko.

“We are dedicated to providing accessible and efficient immigration services to all. By opening this new office in Cabanatuan City, we aim to bring our services closer to the people, making it easier for residents to access the assistance they need,” sabi pa nito.

Leave a comment